Wikang Filipino, Wikang Pinagpala

ELSA E. UNTALAN

Ako ay Pilipino . . . sa isip . . . sa salita at sa gawa!

Talagang napakasarap ang maging isang tunay na Pilipino. Oo, ang mga magulang ko ay mga Pilipino kaya ako ay isang tunay na Pinoy.

Alam mo ba? Napakasaya ko dahil isinilang ako sa bansang Pilipinas. Sa kabila ng pagiging kapuluan nito ay nagkakaintindihan pa rin ang mga tao. Kahit magkakahiwalay ang mga pulo nito, magkakaugnay parin ang mga Pilipino dahil nagkakaunawaan ang bawat isa. Pinagbubuklod pa rin ng mainit na pagsasama dahil sa mayamang kultura at tradisyong pinagyayaman ng mga Pinoy.

Ngunit bakit nagkakaintindihan ang bawat isa? Filipino . . . ito ang pangunahing dahilan ng pagkakaisa. Ito ang ating Wikang Pambansa. Dapat nga natin itong ipagmalaki. Sa katunayan, palagi ko ngang ginagamit ito kahit saan ako magtungo. Mahal na mahal ko ito dahil hinding-hindi ko malilimot ang sinabi ni Gat. Jose P. Rizal na . . . “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay daig pa ang mabaho at malansang isda.” Oh, di ba nakahihiyang i-compare ka sa isang isdang bilasa?

Anumang Pangkat Etniko tayo nabibilang at saan mang dako ng Pilipinas tayo naninirahan, tayo pa rin ay magkakadugo, tayo pa rin ay magkakalahi. Hindi magiging hadlang ang mga ito sa pagkakaisa nating mga Pilipino. Magkakaiba man ang wikang ginagamit natin sa bawat rehiyon, iisa pa rin tayo, magkakapatid pa rin tayo dahil tayo ay nagkakaintindihan, dahil tayo ay may Pambansang Wika.

Ako heto, patuloy ko pa ring pinagyayaman ito sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga babasahing Tagalog.

Labis-labis nga ang pasasalamat ko kay Pangulong Manuel L. Queson na siyang Ama ng Wikang Pambansa. Dahil sa kanya nagkaroon tayo ng isang matatag na wika.

Dahil din sa kanya ako’y taas noo kahit kanino dahil ako ay Pilipino sa isip, sa salita at sa gawa. Salamat Wikang Filipino, isa kang wikang pinagpala.