Wensdy S. Casio
Hindi maitatanggi na binago na ng modernong panahon ang maraming mga bagay na kaniyang kinamulatan. Ang mga pamantayan ay iniakma kung ano ang itinatakda ng umiiral na kultura. Pinalitan ang mga tradisyunal at patuloy na niyayakap ang mga makabago at pangkalahatang kulturang tanggap ng lahat.
Isa na rito ang “meme” ito ay isang makabagong paraan ng pagpapahayag ng saloobin. Bagamat ang mga salitang ito ay payak, simple, maikli, at kadalasan ay may elemento ng katatawanan ay mabilisang natanggap ng mga taong babad sa paggamit ng social media, hindi lamang sa hanay ng mga kabataan kungdi sa mga ilang nagkakaedad na rin subalit hindi pahuhuli sa kung ano ang uso sa lipunan.
Naging napaka popular ng mga memes dahil sa mga larawan na kaalinsabay nito, idagdag pa kung ang nasa larawan ay isang tanyag na personalidad o mga bida sa pinilakang tabing. Sino ang hindi nakapansin sa mga memes na mismong presidente ng isang makapangyarihang bansa ang gumagawa nito, tulad ni Ginoong Donald Trumph. Ang kaniyang aktibong paggamit ng social media tulad ng Twitter ay sinubaybayan ng kaniyang mga tagasunod at kritiko na rin.
Ang katotohanan hindi mga Pilipino ang orihinal na nagpauso nito, kadalasan pa nga, ang mga pinoy ay tagatanggap ng kung ano ang nauuso sa ibang mga bansa. Ganoon paman, sa larangang ito ay hindi pahuhuli ang lahing Pilipino, tila nasa dugo na ang pagiging malikhain at agad na nakasasabay sa iba upang hindi mapag-iwanan. Sino ang hindi naaliw sa mga hugot lines na pinauso ng dating senadora Mirriam Defensor Santiago, mga katagang tulad ng “Straw ka ba?” sasagot ang mga tagapakinig ng Bakit? – “Kasi ang galing mong sumipsip”. Isang katagang pumapatama sa mga taong ayaw lumaban ng patas, lalapit sa mga nasa katungkulan at makapangyarihan upang makuha ang gusto, maaaring ang kahulugan ng salitang SIPSIP (Social Insecure Person Seeking for Instant Popularity/Position).
“Wag ako” – kolokyal ng salitang “Huwag ako”. Hindi matatawaran ang pagsikat nito lalo na noong kasagsagan ng kasikatan ni Binibining Maja Salvador sa teleseryeng “Wildflower” kung saan siya ay gumanap bilang si Ivy Aguas. Sakto sa kaniyang matapang na personalidad ang salitang ito sapagkat hindi siya paaapi. Isang damong ligaw na bagamat naapakan, nasaktan at minsan nayurakan ay babangong muli na may kinang na kagandahan.
Kung sana ang salitang “Wag ako” ay ginagamit sa mga panahong pilit kanyang ini-ngungudngod sa kahirapan. “Wag ako” – dahil hindi ang kahirapan ang makakagapi sa kaniya tulad sa napagtagumpayan ng iba. Ang mga karanasan ng mga taong umahon mula sa dahop na kalagayan ay siya magiging pangganyak upang isiping may magandang bukas na naghihintay sa hinaharap.
“Wag ako” – kung ang karamihan ay pinanghihinaan na ng loob at ang iba ay tinakasan na ng ulirat, dahil sa sapin-sapin na pagsubok na nag-pagupo ng kanilang katatagan. “Wag ako” dahil pipilitin paglabanan ang mga negatibong pwersa na nasa kapaligiran. “Wag ako” kung nakakarinig ng mapanuksong bulong ng pag-aalinlangan sa kaniyang kakayahan. “Wag ako” dahil may kani-kaniya tayong panahon ng kasaganahan at kahirapan. “Wag ako” kung kumakaway ang makamundong mga pagnanasa na maaring maging sagwil sa pagtaas. “Wag ako” kung isang kabataan na hindi pa hinog sa karanasan, at masuong sa pagkakaroon ng pamilya ng wala sa oras. “Wag ako” kung pilit silang ikinukumpara sa iba, ipakilala nila na “siya ay siya,” “”ako ay ako,” at “tayo ay tayo”, iba ang Amerikano kakaiba rin ang Pilipino.
Sa pag-aaral kung bumagsak siya sa kadahilanang kinulang siya sa paghahanda sabihin niya “’huwag ako” kung ang tulong na iaabot sa kanya ay kapirasong papel na katumbas ay pangongopya. Mas makabubuting tumanggap ng karangalang pinagpagalan kaysa sa nililo ng kabuktutan. “Wag ako” kung nakataya ang kanyang pangalan, reputasyon, at karangalan sa pakikipagsabwatan upang pagtakpan ang mga maling gawa ng iilan. ‘“Wag ako” kung siya ay pinanghihinaan sa kakaunting bilang na patuloy na tumitindig para sa katotohan kaysa umanib sa sanlaksang kasamaan. “Wag ako” kung minsan ay sumasagi sa kaniyang kaisipan bakit namamayani ang katiwalian, nakakaupo ang mga pinapaburan at namumuni ang mga gamahan. Pakatantuin niyang may tapat na hukom na magpaparusa at magpaparangal sa mga gawang kanyang ginampanan sa panahong siya ay tatayo sa luklukan ng Maykapal.
Madali silang napapangiti sa mga salitang tulad ng memes ay kakaiba ang atake upang maiparating ang nakapaloob sa higit na malalim na kahulugan. Bilang sila ay mga kawani ng kagawaran kung saan ay inaasahang magtataas ng setro ng karunungan. Pangalagaan nila ang mga katagang bumubulalas sa maliit na sangkap ng kanilang katawan, lagyan nila ng preno ang tarangkahan ng kanilang mga labi upang masuri ang salitang lalabas sapagkat makapangyarihan ang mga salitang lumalabas mula sa kanilang bibig, ikinumpara sa tabak ng may magkabilang talim na maaaring makasakit sa iba. Sa huli gawin nilang positibo ang katagang “Wag ako” ipalit nila ang Maaari ako!, Puwede ako! Kung ito ay para sa tama, para sa ikabubuti at para sa ikararangal.