By: Roel T. Lazaro
Head Teacher I
Maragol Integrated School
Pagbabago… Ano nga ba ito? Kapag ang munting bata ang ating tinanong kung ano ang kahulugan ng pagbabago? Maaari niyang isagot sa atin ay… “Ang pagbabago ay hindi paggawa ng mga bagay na masama” .Subukan naman nating tanungin ang isang kabataan kung ano ang kahulugan ng pagbabago. Maaari niyang itugon… “Ang pagbabago ay pagkalimot sa mga bagay na dating ginagawa ng isang tao at ngayon ay nalaman niya na ito ay hindi maganda, tatalikuran na niya ito”. Tama ang mga sagot. Hindi ba?
Ang pagbabago ay tumutukoy sa pagtalikod sa mga bagay na masama. Sa isang tao na gustong magbago katulad halimbawa ng mga pagbabago sa mga kinagawiang mga bisyo, pag-inom ng alak, paninigarilyo at paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Kapag pagbabago ang pinag-uusapan sa mga bagay na nabanggit, kailangan hindi na ito babalikan. Bagong buhay, bagong ugali at gawi. Ito ay isang napakagandang dapat maisakatuparan sa buhay ng tao na maghahatid ng panibagong buhay para sa isang tao na lumayo at kalimutan ang mga bisyo.
Maraming magandang dulot at hatid ang pagbabago. Una sa lahat, ito ay maghahatid ng magandang kalusugan sa isang tao o higit pa kung pagbabago sa mga gawi at bisyo ang pag-uusapan. Mailalayo ang tao sa malulubhang mga pagkakasakit katulad ng tubercolosis at pneumonia. Ikalawa, magkakaroon ng pagtitipid at ipon ang isang taong dating puro sa bisyo at nasasayang lamang ang pera. Malaki ang magiging impok sa pera kung iiwasan ang bisyo. Ikatlo, magandang adhikain sa buhay ang taong may pagbabago sa asal at kilos. Higit na lumalawak ang kanyang pananaw at lumalaki ang pang-unawa niya sa mga bagay na nagaganap sa kanyang buhay.
Ang pagdalo sa mga pagpupulong tulad ng pag-aaral at pagbabasa ng bibliya (Bible study), pag-anib sa mga organisasyon na tumutulong sa mamamayan tulad ng (Medical Mission), pagsali sa ibat-ibang pampalakasan sa kumunidad at higit sa lahat ay ang maayos na komunikasyon sa mga mahal buhay ay makakatulong sa pagbabago ng asal at kilos.
Ngayon, ating tingnan at silipin ang ating bansa. Marami ng pagbabago ang nagaganap sa buhay ng maraming tao. Ang ibang kabataan ay pinipiling mamuhay ng tahimik at malayo sa droga at bisyo. Ang iba’y itinutuon sa pagtatanim ng mga gulay sa sariling bakuran ang ekstrang mga oras dahil nais ng mga ito na yakapin ang pagbabago.
Sino nga ba ang tulay sa mga pagbabagong ito? Ang isang minamahal ba, isang kamag-aral o ang isang guro o dili kaya ang mga magulang? Ang tulay ng pagbabago ay isang napakagandang inspirasyon upang makamit ang tunay na layunin nito. Ang maging instrumento ng pagbabago ay malaki ang maitutulong sa pag-unlad at pagsulong ng isang pamayanan, isang lalawigan at isang bansa. Ito ang hamon para sa lahat, maging tulay tayo para sa pagbabago.