Evangeline P. Agustin
Sabi ng mga matatanda, huwag na huwag daw magtitira ng pagkain sa pinggan sapagkat marami ang nagugutom sa panahon ngayon. Ngunit kung mayroong mga taong salat sa pamumuhay, mga taong kahit makailang kahig ay wala pa ring tutukain at umaasa sa mga tirang pagkain, sisimutin mo pa ba ang iyong tanghalian hanggang sa pinakahuling butil ng iyong kanin?
Matagal nang suliranan ng Pilipinas ang gutom at patuloy pa rin itong iniinda ng mga Pilipino sa kasalukuyan higit pa ngayon na panahon ng pandemya kung saan apektado ang lahat ng sektor mula sa edukasyon hanggang sa ekonomiya ng bansa. Sa katunayan, nasa higit tatlong milyong Pilipino ang nakararanas ng kagutuman sa pangalawang kwarter ng taon ayon nga sa datos ng Social Weather Station. Isa lamang ito sa sandamakmak na problema ng bansa na pinalala ng pandemyang ating hinaharap.
Sa ating bansa kung saan napakalaking pasanin ang kagutuman, hindi na bago na maging desperado ang ilan sa ating kababayan na araw-araw kumakalam ang sikmura. Marahil narinig o napanood na natin ang ilang dokumentaryo tungkol sa mga kumakain ng pagpag. Ito ay ang mga tira-tirang pagkain sa mga restaurant o fast food chains na kadalasang kinakalakal sa mga tambakan ng mga basurang nagmumula sa mga establisyementong nabanggit o kaya naman ay binibili na mismo sa mga restaurant owners o managers.
Gayunpaman, hindi lamang laman-tiyan ang pagpag. Sa iba, ito’y kabuhayan. Sa iba ito ay itinuturing din na pinagmumulan ng kita upang makaraos sa gastusin araw-araw. Upang maibenta, maingat nilang pinipili ang mga mayroong maraming laman, nililinis, hinuhugasan at iyon ang ipinangsasahog upang maging panibagong putahe tulad ng klasik na adobo, at
iyon ang kanilang inihahain sa kanilang maliliit na karinderya sa tapat ng kanilang mga bahay na gawa sa pinagtagpi-taping materyales.
Marami pang ibang dahilan ang maaaring maiiugat sa malalaking kaso ng kagutuman sa bansa. Isa sa mga may malaking ambag sa pabigat nang pabigat na suliranin na ito ay ang kawalan ng trabaho ng ating mga kababayan. Base sa tala ng Philippine Statistics Authority, lumobo na sa 3.88 milyong mga Pilipino ang walang trabaho sa buwan ng Agosto sa taong ito ( 2020). Ito marahil ay dahil sa epekto ng pandemya na nagdulot ng pagsara ng maraming kumpanya at establisyemento. Dagdag pa rito, matagal ding natigil sa paghahanapbuhay ang mga manggagawang kabilang sa mga sektor ng turismo, transportasyon at iba pa na siyang nag-udyok upang sila ay dumiskarte habang naghihintay na manumbalik ang sigla ng ekonomiya. Dahil sa kawalan ng trabaho, nabibigo ang mga pamilyang Pinoy na tustusan lahat ng pangangailangan ng kanilang pamilya, isa na riyan ang pagkakaroon ng pang araw-araw na pagkain.
Sa kabilang dako, kasabay ng pagpasok ng COVID-19 sa bansa ang pagpapatupad din ng tinatawag na flexible learning kung saan napipilitang mag- aral ang lahat ng estudyante sa bansa sa kani-kanilang tahanan sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya at mga gadyet tulad ng mobile phone, laptop at kompyuter. Ayon sa pag-aaral ng Department of Education (DepEd), humigit kumulang apat na milyong mag-aaral ang hindi nakapagpatala sa kani- kanilang mga paaralan marahil dahil sa kakulangan ng kakayahan na tustusan ang makabagong paraan ng pag-aaral o new normal kung saan kinakailangan ng may kamahalang gadyet at sapat na koneksyon sa internet. Ayon sa National Economic Development Authority (NEDA), maaaring magdulot ang pagpapahaba ng pagkakasara ng mga paaralan ng productivity loss na nagkakahalaga ng tatlumpo’t pitong (37) trilyong piso sa susunod na apatnapung (40) taon. Tiyak sa hinaharap, magiging karagdagang dahilan ito upang mas lalo pang lumala ang kahirapan sa bansa.
Mananatili pa rin ang problema ng gutom sa bansa kung hindi pupuksain ang ugat nito. Napakalaking isyu nito dahil ilang mga eleksyon na ang nagdaan, ilang mga pangakong pagtulong sa mga mahihirap na ang naririnig ngunit hindi pa rin napupuksa ang suliraning ito. Bagamat may mga programa nang para sa mga mahihirap tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s), hindi pa rin ito sapat upang mabigyan ng pagkain sa hapag ang bawat pamilya, lalo na kung marami ang miyembro ng kanilang pamilya.
Sa kakulangan ng tulong mula sa gobyerno nitong mga nakaraang lockdown, nagagawan pa rin ito ng paraan ng Pilipino sapagkat subok na ang marami sa atin ng panahon at samu’t saring pagsubok sa buhay upang makatulong sa mga nangangailangan, naisulong ang community kitchen at community pantry. Ito rin ay bilang tugon sa daing ng mga mahihirap na hindi sila sa COVID-19 mamatay ngunit sa kagutuman. Hindi man nito nabawasan ang porsyento ng mga pamilyang nakararanas ng kagutuman, nakapagbigay naman ito ng tulong upang mawala kahit papano ang pangamba nilang mawalan ng ihahain sa hapag sa gitna ng pandemyang kinahaharap.
Malayo pa ang ating lalakbayin upang tuluyan mawala ang matagal na kaaway ng ating bansa. Ngunit, sa mahaba at nakapapagod na proseso, lahat tayo ay may maaaring maitulong. Sa simpleng hindi pagsasayang ng pagkain, nakagagawa na tayo ng kontribusyon sa paglaban natin sa kagutuman. Matagal pa ang prosesong dadaanin, ngunit, lahat tayo ay kaisa sa laban na ito.