ni: John A. Ocampo
Wikang Filipino ang nagsisilbing matibay na pagkakakilanlan ng ating bansa, ang tatag nito ay tatag ng kulturang Pilipino. Ang wika ay bahagi ng kulturang minana natin sa ating ninuno na nagpasalin-salin sa bawat henerasyon hanggang sa kasalukuyan. Hahayaan ba nating mabura ito o makalimutan ng sambayanang Pilipino?
Iba’t ibang lahi, iba’t ibang lugar sa buong Pilipinas ay may iba’t ibang wika at dayalekto. Ilocano, Kapampangan, Bisaya ay ilan lamang sa dinami-rami ng dayalektong mayroon sa Pilipinas. Ang Filipino ang idineklarang pambansang wika ni dating Pangulong Manuel L. Quezon. Bakit? Maaari namang pumili ng ibang wikang pambansa sa dami ng dayalektong mayroon tayo. Gaano kahalaga ang pagkakaroon ng pambansang wika? Halina kayo at ating tuklasin ang hiwaga sa likod ng ating wikang pambansa. Ano sama ba kayo?
Sa kabuuang bilang ng mga Pilipino, karamihan dito ay gumagamit ng wikang Filipino sa pakikipagtalastasan. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit ito ang itinalagang pambansang wika na magiging daan sa pagkakaunawaan ng mga mamamayan sa iba’t ibang panig ng bansa. Kaya nga nararapat lamang na bigyan ng pantay na pagpapahalaga ang asignaturang Filipino tulad ng iba pang asignatura. Tangkilikin natin ang sariling atin at huwag kailanman ipagpalit sa wikang banyaga. Naniniwala akong tungkulin nating mga Pilipino na gamitin, pagyamanin at mahalin ang ating wika na magsisilbing pagkakakilanlkan ng ating bansa. Kung magiging matatag ito, nangangahulugan din ito ng lakas ng ating pagka-Pilipino. Ang pagkakadeklara ng wikang Filipino bilang pambansang wika ay isang mabisang hakbang sa pagkakaisa ng mga mamamayan dahil kung may pagkakaunawaan, Mayroong Pagkakaisa na siyang magpapatatag sa ating bansa. Magkapit-bisig tayo upang mapagyaman ang ating wika at hindi lamang basta gamitin ito. Ang pagpapayaman dito ang magsisilbing kasiguruhan na ito ay mananatili hanggang sa susunod na salinlahi. Ipagpatuloy natin ang pagsasalin-salin sa iba’t ibang henerasyon ng mga kuwentong-bayan, pabula, alamat, epiko at mga tula na siyang bahagi ng ating kultura.
Gamitin, pagyamanin at mahalin natin ang ating sariling wika bago pa ito matakpan ng wikang banyaga. Kapag nangyari iyon, daig pa natin ang muling nasakop ng dayuhan at hindi ganap na Malaya dahil sa kawalan ng pagmamahal at pagmamalasakit sa ating wikang pabansa.