Divina D. Viloria,
Administrative Assistant II
“Accountant”, “Engineer”, at “Doktor”, ‘yan ang madalas kong sagot kapag tinatanong ako ng aking guro kung ano ang gusto kong maging paglaki na kagaya ng iba pang sagot ng aking mga kaklase.
Naalala ko noong bata pa ako ay hindi pagiging isang guro ang isinagot ko. Hindi ko namamalayan habang sa aking paglaki ay ang pangarap ko na maging accountant, engineer, at doctor ay maglalaho pala at mapapaling ang aking atensyon sa pagiging isang guro. Oo, ako ay isang lisensyadong guro at pinili ko ito dahil gusto ko. Sabihin man nilang mababa ang sahod ng isang guro, tambak ang mga gawain na umaabot pa hanggang sa kanyang pag-uwi o kaya ay halos tumira na sa paaralan para lang maibsan ang mga nakaatang na gawain. Sa kabila nito, di ko lubos maisip kung bakit may mga ilan na mga guro ang nawawalan ng pag-asa, nabibigatan at humahantong sa pagkakataon na bawiin ang sarili nilang buhay.
Noong mga panahong ako ay naghahanap ng trabaho ay napakadaming guro at halos walang bakante sa pribado at pampublikong mga paaralan para sa mga bagong graduate at kahit pasado pa sa board exam. Kaya naman ako ay sumubok na pumasok sa mga pribadong sektor at agad naman nabigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho. Ito ay bilang isang kahera sa isang malaking botika sa bansa at pagkatapos ng dalawang taon ay nabigyan ng promosyon. Dahil dito, aking pansamantalang nalimutan ang pagnanais makapagturo. Labis na napamahal sa akin ang mga taong nangangailangan ng ngiti at paglilingkod sa tuwing naghahanap sila ng gamot na pasok sa kanilang budget.
Pagkatapos ng ilan pang panahon, aking nabalitaan kamakailan lamang ang isang guro sa Leyte at isa sa Bacoor na kinikitil ang sariling buhay diumano dahil sa mabigat na mga trabaho na nakaatang sa mga guro, dahil dito binawasan ng Kagawaran ng Edukasyon ang mga gawain ng mga guro. Mula sa 36 na mga gawaing papel ay ginawa na lamang itong sampu o ang tinaguriang School Form 1 hanggang 10.
Sa kabila nito marami pa rin sa mga kaguruan ang nahihirapan sa paghahanda ng mga gawaing papel sapagkat hindi lamang iyon ang kailangan nilang ihanda, nariyan ang mga tambak na “Narrative Reports” sa bawat gawain sa paaralan, mga “Test Results” at mga ginagawang panglunas (remediation) ng mga guro sa mga batang may mababang marka gaya ng “Self Learning Kit”, Strategic Intervention Materials (SIM) at iba pang kagamitang pampagkatuto.
Ako ngayon ay napapaisip kung sakaling ako ay naging isang guro, mahihirapan din siguro ako lalo na kung ang mga gawain ay magsasabay-sabay, hindi naman maididikta ang kaalaman ng mga kabataan sa ngayon. Nakabatay ito sa paglikha ng ilan sa mga resulta ng mga pagsusulit at pagsusuri. Ang tanong, kailangan bang magpakamatay dahil sa mga gawaing ito? Kung ako ang tatanungin ay malamang na hindi, dahil sa sinumpaan nating tungkulin na maglingkod sa ating bayan at sa mga bata. “Para sa bata, para sa bayan”, ito ay dapat isapuso ng guro. Napakalaki ng responsibilidad ng isang guro, kahit na maliit ang kanyang sahod, kahit na gabundok ang kanyang trabaho, ang lipunang ating ginagalawan ay nakabatay sa kung anong klaseng kabataan ang mahuhubog natin sa paaralan, kung anong klaseng tao ang malilikha sa labindalawang taon niyang pag-aaral mula sa elementarya hanggang hayskul.
Nakakalula man ang gawain ng isang guro, ngunit pagdating ng araw ng pagtatapos ng mag-aaral panandalian itong napapawi. Masarap siguro sa pakiramdam na makita ang mga naturuan mo na nagsisipagtapos na, moving up man o graduation. Masasabi mo sa sarili mong sulit ang pagod mo dahil sila ay nakapag-tapos na.
Kapag ikaw ay wala na, mararamdaman mo pa ba ang pakiramdam na iyon? Hindi na…Oo madali ang kitlin ang sariling buhay ngunit mas masarap ang mabuhay kahit nahihirapan, kahit nabibigo, kahit nasasaktan…yan naman talaga ang senyales na ikaw ay buhay. Guro ang propesyon ng mga taong hinahangaan ko, para sa kanila ito ay hindi dahil sa halaga ng pera, kundi sa pakiramdam na ikaw isang tao at may naiambag sa pag-unlad ng lipunang iyong kinabibilangan. Tandaan ang lahat ng propesyon at mga mayayaman na inyong hinahangaan ay minsan ding naging mag-aaral, naupo sa silid aralan at nakinig sa mga guro.
Bakit ka susunod sa kanila na kitlin ang sariling buhay? Ikaw, oo ikaw! Pagod ka na ba sa pagtuturo? Tandaan mo buhay na bayani ka ng mga kabataan.