Ni: Edilyn M. Parugrug
Master Teacher I, San Andres Elementary School
Sundalo – iyan ang isang maaring taguri sa mga guro na araw-araw sumasabak sa laban. Laban na hindi baril ang hawak kundi aklat at chalk. Sumusuong sa pakikidigma upang mapabuti ang mga batang may iba’t ibang ugali at kakayahan. Nakikipaglaban hindi sa mga tulisan, kundi sa mga kaisipan ng mga batang walang muwang. Nakikidigma sila upang wakasasn ang kamangmangan ng mga batang sala’t pa sa kaalaman.
Sa umaga sa kanilang pagpasok, hindi nila alintana ang layo o haba ng byahe makarating lamang sa paaralan. Hindi nila iniinda anng puyat ng nagdaang gabi sa paghahanda ng aralin at gagamitin sa pagtuturo sa mga bata. Mas nangingibabaw sa kanila ang pagnanais na maibahagi ang kaalaman sa mga munting bata na sa kanila’y sabik na naghihintay. Matibay ang kanilang determinasyon na sa bawat oras na ilalagi ng mga batasa paaralan ay madagdagan ang kanilang kaalaman. Itinatanim nila sa puso’t isipan ng bawat mag-aaral ang halaga ng edukasyon sa kanilang buhay. Mga aral na hindi lamang sa aklat matatagpuan kundi maging sa kanilang pakikisalamuha sa kapwa mag-aaral. Buong tiyaga rin nilang ibinabahagi ang kahalagahan ng kaalaman na hindi lamang sa pagsagot sa mga exam at test kundi maging sa pang-araw-araw nilang pamumuhay.
Maraming pagkakataon na mas inuuna pa nila ang kanilang mag-aaral kaysa sa sarili nilang anak o pamilya. May mga pagkakataong isinasakripisyo maging pansariling kapakanan at pangangailangan maibigay lamang ang mga kagamitan na mas makapagpapaganda ng pagtuturo at makaeengganyo sa mga batang makibahagi sa talakayan. Mas inuuna pa nila ang pagbili ng mga gagamiting visual aids sa pang-araw-araw na pagtuturo kaysa sa pangkolorete sa katawan. Mas nilalaanan ang pambili ng bond paper, ink sa printer at load ng internet para laging updated ang mga aralin at kaalamang ipapakita sa klase.
Iba’t ibang estratehiya rin ang ginagamit ng guro upang mahikayat ang mga bata na magbahagi ng kanilang kaalaman sa mga talakayan. May gumagamit ng teknolohiya, manipulative materials, at reward system o pagbibigay ng insentibo sa mga batang nagpapakitang gilas sa klase.
May mga pagkakataon ng tila namamaliit ang kakayahan ng mga guro at higit na napahahalagahan ang ibang propesyon. Nakikita ng iba ang halaga ng Duktor na gumagamot ng maysakit, Abogado na tagapangtanggol ng mga naapi, Pulis at Sundalo na nangangalaga ng kapayapaan, Inhinyero at Arkitekto na nagdidisenyo ng mga kalsada, tulay at iba’t ibang gusali maging mga tahanan. Subalit ang mga guro na siyang gumabay at nagturo sa mga nabanggit na propesyon ay hindi gaanong nakikita ang kahalagahan. Hindi ba naiisip ng mga iilan na ang guro ay duktor, abogado, pulis, sundalo, inhinyero at arkitekto rin? Ang mga guro ay tila duktor na gumagamot ng kamangmangan ng mga mag-aaral, duktor rin na nanggagamot sa mga sugat ng mga batang hindi maiwasang masaktan sa pakikipaglaro at kaladyaan sa kapwa mag-aaral, abogado, pulis at sundalo na nagtatanggol ng katwiran at kapayapaan sa loob ng paaralan sa tuwing may mga batang hindi nagkakaunawaan, inhinyero at arkitekto rin sila na nagdidisenyo ng mga pamamaraan at kagamitan na gagamitin sa pagsabak sa araw-araw na talakayan sa klase.
Pagdating sa paaralan hindi lang guro ang papel na kanilang ginagampanan. Mayroong nagiging yaya ng mga batang umiiyak,na tila mga munting ibon na takot
at hindi pa handang mawalay sa kanilang mga magulang. Tagapag-alaga ng mga batang wala pang kakayahan na gampanan kahit ang paghuhugas ng sarili kapag
galing sa palikuran. Tagapagtali ng sintas ng mga sapatos na nakakalag sa pakikipaglaro sa mga kamag-aral. Maging katulong na naglilinis ng silid-aralan bago
at pagkatapos ng maghapong talakayan ay kanila ring ginagampanan.
Ang pakiramdam ng mga bata na ang mga guro ang kanilang pangalawang magulang, ang sandata ng guro upang mas makinig at unawain ng mga mag-aaral
ang bawat aralin na kanilang ibinabahagi. Nagagamit ng guro ang stratehiya ng pagiging isang ama o ina upang maipakita sa bata na ang kanilang ginagawa ay
dahil sa pagnanais na mapabuti ang kanilang kinabukasan. Ang pagdidisiplina ay pagpakita ng pagkalinga at pagpapahalaga na maturuan ang bata maging
magandang pag-uugali at ng kabutihang-asal.
Sapagkat naniniwala ang mga guro na hindi magwawakas ang kamangmangan at karahasan na ating nararanasan kung hindi nila sisimulang ituro sa
mga munting nilalang ang kaalaman at kanyang tunay na kahalagahan. Paano na kaya ang lipunan kung walang guro na matiyagang nangangalaga
at nagmamalasakit sa mga mag-aaral? Paano na kaya kung walang guro na nagpapakita ng kahalagahan ng may pinag-aralan? Saan pa kaya daramputin ang
mga munting inakay na sabik matutong lumipad at masilayan ang ganda ng kalikasan?
Guro, teacher, madam/sir, bayani, sundalo… Iba-iba man ang maging tawag at taguri natin sa kanila, isa lang ang malinaw. Magulang din sila na nag-uumapaw ang pagmamahal at pagkalinga sa mga batang hindi nanggaling sa kanilang sinapupunan.