ni: Pedro J. De Guzman
Nakalilito sa unang tingin ang isang pinuno o amo sa kadahilanang ito ay halos pareho, ngunit kung ito ay ating pakalilimiin o sisipatin iyong lubos na matatalos na ang pinuno ay pinuno at ang amo ay amo.
Ang isang pinuno ay nakamamalas ng mga positibong katangian ng kanyang nasasakupan at pinagkakalooban ng pantay na pagtingin ang bawat isa: ang amo ay nagpapahalaga sa salitang “paboritismo” at binibigyang prayoridad ang ma taong sa palagay niya ay lubos niyang pakikinabangan. Ang pinuno ay nakahahanap at nakakikita ng kabutihan sa kanyang nasasakupan, samantalang ang amo ay humahanap/nakakahanap ng mali kadalasan.
Ang pinuno ay may bisig na laging nakahanda sa pagtulong at pag-agapay sa kanyang mga nasasakupan tungo sa ganap na katuparan ng kanilang layunin. Kamay na handang gumabay, hindi lamang sa pagpirma ng alinmang ulat. Kamay na handang tumulong at umagapay tungo sa paglago ng bawat isa at kung sinuman ang nangangailangan. Samantala ang amo ay may daliring handang manuro upang manisi, ngunit umaangkin ng papuri na dapat ay sa kanyang nasasakupan.
Ang pinuno ay may labi na hindi nag-aatubiling magbigay papuri. Bibig na nakapipili ng tamang salita sa tamang panahon at pagkakataon. Nakabibigkas ng salitang “ Kami “ hindi lang Ako.
Umaako ng responsibilidad na magbahagi at makapagbahagi sa kanyang nasasakupan sapagkat naiisip nito na ang alinmang tagumpay o kasawian ay tagumpay o kasawian niya rin.
Ang labi ng isang pinuno ay hindi makasarili sa pagbabahagi ng kaalaman samantalang ang isang amo ay may bibig na laging nag-uutos sa kanyang nasasakupan kung ano ang dapat gawin ngunit walang paggabay.
Ang pinuno ay may diwa na laging bukas sa mga suhestiyon mula sa kanyang nasasakupan dahil naiisip nito na katulad niya, mahalaga rin ang kanilang opinyon.
Ang matatag na pinuno ay handang maggawad ng tamang desisyon sa kritikal na sitwasyon at hindi basta-basta nababali ng dahil lamang sa sulsol o pag-iwas na makipagtalo, hindi siya bumibitaw lalo na kung sa tingin niya na ito ang makakabuti para sa lahat. Wala sa kanyang isip ang salitang kabiguan sapagkat ang lahat ay kayang mapagtagumpayan sampu ng kanyang nasasakupan.
Ang pinuno ay may bisig na handang balikatin ang mga responsibilidad at pananagutan bilang namumuno sa kanyang nasasakupan maging ito man ay sa trabaho o sa personal na katayuan.
Sa kabilang banda, ang isang amo ay may mapagkibit-balikat sa kanyang responsibilidad, lalo na sa kritikal na sitwasyon. Sila yung mga mahihina at walang sapat na kakayahang balikatin ang atas na tungkulin para sa kanilang nasasakupan.
Ang pinuno ay laging handang makinig, nakapipili ng mga salitang makabubuo at makapagtatag ng tiwala sa kakayahan at hindi gumagamit ng hindi magandang salita na makapagpapababa ng moral. Samantala ang isang amo ay pinakikinggan lamang ang gusto niyang marinig.
Ang pinuno ay nakikinig at ang amo ay dinidinig. Nais ng isang pinuno na napalilibutan siya ng mga mahuhusay na kasamahan at tanggap niya kahit mahusay pa sa kanya. Ngunit ang isang amo ay nag-iisip na higit siyang magaling sa lahat ng mga taong nakapalibot sa kanya.
Ang pinuno ay hindi nasusukat sa kanyang ranggo o titulo lamang. Nararapat na siya ay isang taong may pusong nakalaan para sa lahat Ang pamumuno ay hindi isang kapangyarihan na nakasalig lamang sa kung sino ka at kung ano ang iyong sinasabi o ginagawa.
Ang lahat ay maaaring maging amo subalit hindi lahat ng amo ay maaaring maging pinuno, Ikaw … sino ka sa dalawa?