ELSA E. UNTALAN
“Ang Gitnang Luzo’ y katangi – tangi sa diddib ng ating lahi, siya’y nangunguna sa lahat kung kaunlaran ang siyang hangad.”
Haayyy!!! Ayan na naman! Naririnig ko na naman! Pinararangalan na naman ako ng aking mga hirang na anak. Oo, kahit sa isang awit man lamang ay labis-labis na ang aking kaligayahan. Kagalakang humahaplos ng aking pagal. Napapawi ang aking lumbay kung ang awit na ito ay patuloy kong naririnig. Sino ba naman ang hindi mapupuspos ng kaligayahan kung ikaw ay pupurihin sa pamamagitan ng harana. Psssttt!!! Sandali, alam ba ninyo kung bakit nag-uumapaw sa kaligayahan ang puso ng mga mamamayan ng Rehiyon III?
Heto, basahin mo at unawaing mabuti ang aking pagpapakilala.
Dakilang yugto ng kasaysayan, mayaman sa likas na yaman. Kahanga-hangang kalinangan, maipagmamalaking kaugalian. Mayaman at malusog na kultura, lahat ng mga nabanggit ay nagtatampok sa akin.
Ako ay binubuo ng pitong magagandang lalawigan. Ito ay ang mga sumusunod: Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales. Oh, diba? Sa ngalan pa lang ay hanga ka na.
Kung ikaw ay sasangguni sa mapa ng Pilipinas, ako ay makikita mo sa taas na bahagi nito. Kung tagurian ako ay Central Luzon. Maluluwang ang aking mga bukirin. Ang ginto kong palayan ang lumilibang sa puso ng bawat makakita, kapwa Pilipino man o mga dayuhan. Hindi lamang diyan, dinarayo rin ang malilinis kong mga baybayin.
Halika sumkay ka sa akin at ipapasyal kita sa mga probinsiya ko, kung gusto mong bumalik sa nakaraan at muling damhin ang kasaysayan, puntahan natin ang Bulacan. Makikita ang mga lumang bahay-kastila rito. Narito rin ang Barasoain Church na kung saan ay nanumpa ang ilang pangulo ng bansa. Death March? Eh di galugarin natin ang Bataan. Makikita rito ang Dambana ng Kagitingan. Ang mga ito ay ilan lamang sa mga patunay na galling sa akin ang karamihan sa mga bayaning Pilipino.
Nabalitaan mo na rin ba ang tungkol sa kauna-unahang “Science City” sa Pilipinas? Nasa Nueva Ecija naman ito. Dating bayan ito ng Muñoz na ngayon ay ilang taon nang Science City of Muñoz. Alam mo ba kung bakit? Halos lahat kasi ng institusyong may kinalaman sa Science and Technology ay narito tulad ng Philrice, PCC, CLSU, BPRE, BFAR at marami pang iba.
Hindi lang Disyembre ipinagdiriwang ko ang Pasko. Araw-araw ay Pasko sa Pampanga dahil sa Paskuhan Village. Sadyang maaaliw ka sa iba’t ibang uri at laki ng mga parol na ginagawa rito.
Tarlac? Ang tahanan ng mga magigiting na Pilipino. Mag e-enjoy ka rin pag makita mo ang plantasyon ng mga tubo. Sandali, baka ‘yang ginagamit mong asukal sa kapeng iniinom mo ay galling dito.
Wow, Zambales, ang ganda ng mga dalampasigan. Ilang taon na ang nakalipas, pumutok ang Mount Pinatubo. Sobra ang aking lumbay dahil sa paglubog ng ilang bayan ng Zambales at Pampanga sa kasagsagan ng pagdaloy ng lahar galing sa nasabing bulkan. Ngunit ang aking lungkot ay dagli ring napawi dahil sa ipinakitang katatagan ng aking mga mahal na anak.
Gusto mo pa ring mag swimming? Dayuhin natin ang Aurora. Malinis at maluluwang na mga baybayin kasi ang masisilayan dito.
Oh, sandal, huwag kang bibitiw. Kumapit ka lang sa akin at pupuntahan natin ang mga masasaya at makukulay na piyesta at mga pagdiriwang.
Sayaw sa Obando ito. Oh, ba’t umiindak ka? Baka mabiyayaan ka rin ng anak. Naniniwala kasi ang mga sumasayaw riyan na magkakaroon sila ng supling. Oo, humihingi sila ng anak.
Gusto mo rin bang sumakay sa kalabaw? Halika, manood tayo ng karera ng kalabaw.
Hayan na, hayan na, dumarating na sila. Nakasuot ng magagara at magagandang damit. Sumali tayo sa Street Dancing. Oh, diba, nakatutuwa.
Sandal, “pose” muna sa gawi riyan. Magandang magpa-picture sa Orchids Farm at halamanan.
Heto rin ang maluluwang na palaisdaan at pagawaan ng mga alahas na pang-export.
Siguro naman, alam mo na ang hanap-buhay ng mga anak ko dahil sa mga nabanggit na mga gawain.
Sa tingin ko, talagang labis-labis ang kaligayahan mo. Sa kabila ng pagod sa pamamasyal ay namumutawi pa rin sa iyong mga labi ang matamis na ngiti.
Hindi lamang ang mga iyan ang ipinagmamalaki ko. Higit sa lahat ang tunay kong ipinagkakapuri ay ang aking mga anak. Ang mga anak kong may kinagisnang kaugalian na patuloy na binibigyan ng pagpapahalaga. Ang kinagisnang kaugalian, pagiging maka-Diyos at ang pagkamakabayan ay patuloy pa ring isinasagawa kahit na sa panahong ito ng modernisasyon. Sila ang nagsusulong upang ang aking pangalan ay patuloy pang magningning.
Oh, sige, bye, ay sandal lang, pakikinggan ko muna ang awit ng aking mga anak.
“Ang Gitnang Luzo’ y katangi – tangi sa diddib ng ating lahi, siya’y nangunguna sa lahat kung kaunlaran ang siyang hangad.”