ELSA E. UNTALAN
Ang mga bata ay isinilang dito sa mundong punong-puno ng pagsubok at suliranin. Dahil dito, binigyan sila ng mga karapatan upang malaya silang makagalaw sa kapaligirang hindi kaaya-aya at puno ng pangamba. Binigyan sila ng proteksyong isinabatas upang sila ay maligtas sa anumang panganib at kapahamakan. May “Child Protection Policy” na binuo. Ito ay polisiya na nagsasaad ng pagbibigay ng tahimik, mapayapa at ligtas na kapaligiran para sa mga kabataan. Hindi lamang responsibilidad ang gawaing ito kundi ito ay may kaakibat na “strong commitment” ng bawat isa.
Dahil dito, ang Department of Education ay naglungsad ng DepED Child Protection Policy noong Mayo 3, 2012 sa pamamagitan ng DepED Order No. 40, s. 2012 na naglalayong magkaroon ang mga mag-aaral ng proteksyon sa lahat ng karahasan at bayolente dulot ng mga mas nakatatanda at kapwa mag-aaral, kasama na rito ang “bullying”. Bilang susog sa polisiyang ito ay nabuo ang House Bill No. 5496 na may pamagat na “Anti-Bullying Act of 2012.” Ito ay nasang-ayunan sa Mataas at Mababang Kapulungan noong Hunyo 7, 2013.
Ang mga polisiya at mga batas na ito ay alam ng mga mag-aaral lalong-lalo na ng kanilang mga magulang. Sa pamamagitan ng pagpupulong sa paaralan at “social media” ay alam ng bawat isa ang kanilang mga karapatan.
Kung iisipin, malaki ang tulong nito sa mga mag-aaral dahil sila ay protektado ng mga batas upang sila ay mamuhay nang malaya at mapayapa.
Ngunit sa kabila nito, ating bigyan din ng pansin ang panig ng kaguruan. Ang mga gurong kasama ng mga bata sa araw-araw na gawain sa paaralan. Kung susumahin mas maraming oras pa ang paglagi ng mga mag-aaral sa piling nina “Sir” at “Ma’am” kumpara sa oras sa kanilang mga magulang.
Ang mga guro ang nagsusunog ng kilay, nagpapakapagod at nagpapakahirap magturo upang matuto ang mga mag-aaral. Bukod sa mga “paper works” ay may mga “extra activities” pang ibininigay sa kanila. Idagdag pa rito kung may karamdaman ang guro, hanggat maaari ay ayaw sumuko dahil ang iniisip niya ay ang sinumpaang trabaho at tungkulin . . .ang makapagturo nang maayos upang matuto ang mga batang nasa kanyang pamamatnubay.
Masasabi ba nating hindi nakikita ng mga magulang ang magagandang ginagawa ng mga guro? Bulag ba ang pamahalaan dahil hindi nakikita ang kanilang mga sakrepisyo?
Konteng galit lang ng guro sa mga bata ay susugod na ang galit na galit na magulang at ang ipinagsisigawan ay ang walang kamatayang “Child Protection Policy.” Simpleng hindi pagkakaunawaan lang ay viral na sa “social media” at kakasuhan kaagad. Sa kabila ng napakaraming trabaho at napakabigat na pasaning ibinigay sa mga guro ay hindi tuluyang maitaas ang sahod.
Ang mga guro ay tao rin . . . ang proteksyon ay para sa mga mag-aaral lang ba