Ni: Mervin A. Bondoc
“Magbiro ka na sa lasing, huwag lang sa bagong gising,” isang kasabihan kung gaano kahalaga ang pagtulog ng bawat tao. Kung ang tao ay walang tulog, hindi gagana ang kaisipan at hindi makakakilos ng natural sa sobrang pagod—dito papasok ang nap o pag-idlip.
Mahalaga ang pag-idlip sapagkat ito ay isang paraan upang mabawasan ang stress o pagod na nakuha sa pisikal at mental na aspeto ng isang indibidwal. Ang mga taong kulang o hindi nakakatulog ay madalas na hindi alerto sa paligid, hindi aktibo sa mga gawain at nagiging mahina at sakitin.
Base sa Kagawaran ng Kalusugan (DOH), kailangan ng isang taong nasa sapat na gulang na makatulog ng halos 6 hanggang 8 oras upang kayanin ang buong gawain sa isang araw. Mahalaga ang pagtulog ng ika-sampu ng gabi hanggang ika-dalawa ng madaling araw sapagkat ito ang tamang oras kung saan gumagana ang mga organs o parte ng katawan lalong-lalo na ang utak ng tao upang linisin ang toxin na nakuha sa buong maghapon.
Mula sa datos na nakalap ng ABS-CBN News, halos 3.3 milyon ng mga Pilipino ang dumaranas ng depresyon o matinding stress dahil sa dami ng mga problema na mas pinapalala ng kulang at hindi sapat na pagtulog. Nagreresulta ito sa suicide o pagpapatiwakal dahil hindi nakapag-iisip ng mabuti.
Kaya sa ipinasa ng batas ni Senador Risa Hontiveros na Senate Bill 1354 o Philippine Mental Act of 2017, nilalayon nito na may pangalagaan ng mga Pilipino ang kanilang mental na kalusugan. Isinakatuparan ito ni Pangulong Rodrigo “Roa” Duterte sa Batas Republika Bilang 11036 o Mental Health Act.
Upang mas maging malinaw ang lahat, ipinahayag ng World Health Organization (WHO), ang kalusugan ay hindi lamang pisikal kundi emosyonal, sosyal, moral-spiritwal at mental na mahalaga upang makagawa ng tama at wastong pagkilos bilang tao.
Kaya isang malaking suliranin sa milyun-milyong mga Pilipino na nagtatrabaho kung paano magiging sapat ang kanilang tulog sa araw-araw kaakibat ng madaming demand o gampanin hindi lamang sa sarili kundi sa kanilang pamilya na patuloy na umaasa sa salaping kanilang kinikita upang ipangtustos sa pang-araw-araw.
Sa pamamagitan ng power nap o pag-idlip, matutulungan ang mga taong nagkukulang sa pagtulog. Pinalalakas nito ang katawan at pinapababa ang pagkakaroon ng heart disease o sakit sa puso at gayundin ang stroke o kulang sa pagsuplay ng oxygen o hanging nilalanghap ng tao.
Sa araw-araw na pag-idlip sa tanghali na hindi hihigit sa 30 minuto at bababa 15 minuto, nakapagbibigay ito ng lakas sa katawan. Ngunit, hindi maaaring sumobra sa 3o minute dahil makapagdudulot ito ng pagkahilo, pagkawala ng pokus at iba pa.
Maaaring isagawa ang pag-idlip araw-araw (consistent), gawin lamang ito ng mabilisan, pwede rin na pumunta sa madilim na sulok ng establisyimento o lugar kung saan naroroon. Kung malamig dahil may aircon o instrumentong nagpapalamig sa paligid, mainam na magsuot ng jacket na nagpapainit sa katawan.
Ang kasabihang “Ang Kalusugan ay Kayamanan,” nagsasaad ito na pahalagahan ang bawat sarili dahil lahat ng bagay sa mundo ay hindi permanente ngunit may mga alternatibong paraan upang mapangalagaan pa rin ang buhay ng bawat tao sa daigdig.