Pagsulong o Pag-unlad

ni
Roel T. Lazaro
Head Teacher I
Maragol Integrated School

Makikitid na kalsada at mga baku-bakong mga daan ngayon ay maluwang, patag at napakagandang mga daan. Ito ba ay pagsulong o pag-unlad? Nagtataasan na mga gusali na halos ay abot langit na. Ito ba ay pagsulong o pag-unlad? Mga bagong makinarya na nagpapabilis ng produksiyon ng pagkain. Mga kagamitan sa pagsasaka, hand tractor, reaper/combine harvester at iba pang makabagong makinarya. Ito ba ay tanda ng pagsulong o pag-unlad?

Sa aking pag-alaala sa nakalipas na panahon, mga kalsadang baku-baku, mga dampa sa nayon, mga ilawang gasera na kung ginamit sa gabi paggising mo kinabukasan maitim na ang butas ng iyong ilong. Ito ang ilan sa mga panahong di natin makakalimutan na naging bahagi ng ating buhay. Mga pagkakataon na nagturo sa atin na mangarap ng konkretong kalsada, konkretong bahay at maliwanag na ilawan pagsapit ng dilim. Ang lahat ng ito ay ibinigay sa atin ng modernong panahon sa ngayon. Mayroon na tayong pinalawak na konkretong daan, ibat-ibang uri at di mabilang na mga sasakyan katulad ng Montero, Fortuner, Innova, Alterra at marami pang ibang luxury car. Ito ba ay tanda ng pagsulong o pag-unlad?

Ayon sa aking guro sa Economics, ang pagsulong ay nangangahulugan ng pagbabago sa larangan ng teknolohiya at iba pang makabagong kagamitan. Kung ang pagbabago ay pang materyal lamang, ito ay maituturing na pagsulong subalit kung ang lahat ng maralita ay maiaangat sa kanilang kabuhayan kasabay ng
pagkakaroon ng magandang kalsada, gusali at mga makinarya ito ang tinatawag natin na pag-unlad.

Ngayon, muli nating suriin ang ating kapaligiran at ang kalagayan ng ating mga mamamayan. Ang SCTEX, NLEX at TPLEX ay konkreto, maluwang at patag na mga daan. Ang sarap maglakbay sa mga kalsadang ito . Gayundin, pagmasdan natin ang mga gusali sa ating kapaligiran. Dati ay nananabik tayo na makakita ng matataas na gusali sa mga lalawigan subalit ngayon magsasawa tayo dahil narating na nang modernisasyon ang ating mga probinsya . Ang Shoe Mart (SM) na dati’y pangarap lang ay narito na sa ating lalawigan.

Hindi na mabilang ang mga umusbong na pasyalan at kainan. Nagpapaligsahan ang mga kainang tulad ng Jollibee, McDonald’s, KFC, Chowking Shakey’s, at marami pang iba mula sa bayan ng San Jose, Munoz, Talavera, Cabanatuan at iba pang lugar na nasasakupan ng lalawigan ng Nueva Ecija. Maraming mga tulay ang isinaayos at pinaluwangan upang higit na maraming sasakyan pa ang makatawid. Nagsulputan din ang mga malalaking pamilihan tulad ng Savemore at Walter Mart. Ang mga barangay na dati ay may mapuputik at makikitid na daan, subalit ngayon ay simentado na at maluwang pa. Sa mga nakikitang pagbabago naman mula sa mga bukirin ay ang makabagong makinarya na ginagamit ngayon ng mga magsasaka para sa mabilis na pag-ani ng mga panananim na palay na tinatawag na Reaper. Ang lahat ng ito ay tanda ng pagsulong.

Ang pagsulong na ito ang siyang naging daan ngayon sa pag-unlad ng mamamayan. Mula sa mga naitayong gusali, marami ang namasukan at nagkaroon ng sapat na hanapbuhay. Sa mga pinalawak, isinaayos at patuloy pa na pagpapagandang mga daan ay maraming magsasaka naman ang nabiyayaan nito. Sapagkat ang kanilang inaning mga produkto ay mabilis na lamang na nadadala sa mga pamilihan, dahilan upang ang mga ito’y makarating ng maayos at sariwa na may posibilidad pa na mabili sa mataas na halaga lalo na’t kung ito’y gulay o prutas.

Sa kabuuan ay mapapansin na natin na ang bilang ng mahirap ang buhay ay lumiliit na, mula sa karaniwang magsasaka sa mga liblib na lugar hanggang sa mga urbanisadong lugar ay nabibigyan na ng pagkakataong isulong ang kabuhayan tungo sa pag-unlad ng bayan.