Pagsalba

Wensdy S. Casio

Napatunayan sa iba’t-ibang mga pananaliksik sa loob at labas ng bansa na ang halos dalawang taong pagkakaroon ng pandemya ay nagdulot ng masamang epekto sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa lahat ng antas, elementarya, sekondarya at kolehiyo. Kung hindi iisip at gagawa ng konkretong pamamaraan ang mga namumuno sa Kagawaran ng Edukasyon at Komisyon sa Mataas na Edukasyon upang masolusyunan ang masamang epekto nito sa kanilang sektor ay patuloy ang pagbulusok ng pagkatuto, na ang apektado ay ang mga kaawa-awang mag-aaral, na patuloy na nananakawan ng mahalagang kaalaman na kanilang kinakailangan sa buhay

Ang mga tagapangasiwang pangkalahatan sa Kagawaran ng Edukasyon ay hindi huminto upang humanap ng kagyat na tugon upang ang pag-aral ay maipagpatuloy sa kabila ng banta ng COVID-19. Isang malaki at matalinong hakbang ang Learning Recovery Plan (LRP) na naglalayon na ang mga pagkatuto na nawala sa mga mag-aaral ay muling maibalik at huwag tuluyang maglaho. Layunin ng programang ito na masusing alamin kung ano-ano ang mga kaalaman na hindi nasanay ng mabuti at ang iba’y hindi na rin talaga naituro. Mula rito ay iinog ang mga programa na tutugon upang maipagkaloob sa mga mag-aaral ang mga kaalamang marapat nilang matutuhan.

May ilan na nagtatanong, magagawa nga bang mabawi ang isang bagay kung ito ay naglaho na? Ang maaari isagot sa tanong na ito ay depende sa kung ano ang babawiin. Halimbawa, makakabalik pa ba kung ang panahon at oras ang pag-uusapan? “Hindi ba’t hindi na”. Wala sa kapangyarihan ng kanilang kamay upang ibalik ang Disyembre 31, 2019, petsa na umukit ng kasaysayan sa sangkatauhan nang unang maitala ang kaso ng COVID-19 sa Wuhan, China. Hindi na sila makababalik upang burahin ang pangyayaring naganap. Katulad ng salitang kanilang binitawan, hindi na nila ito maibabalik sa kanilang mga labi upang masuri kung ito ay sa ikatitibay o ikahihina sa mga naging tagapakinig. Ilan lamang iyan sa mga bagay na hindi nila nahahawakan kung kaya’t sadyang kay hirap na maibalik pa, subalit kung ito ay nahahawakan, tila may paraan upang ito’y maibalik. Halimbawa kung sila ay may hawak na isang bato at ibinato sa karagatan hindi ba’t wala na ito sa kanilang kamay at tila bagang suntok sa hangin ang sapantaha na ito’y mababawi pa – subalit ang katotohan ay may posibilidad na ito’y mabawi kung ang nasabing bato ay nilagyan ng kakaibang tanda ng pagkakakilanlan, natatangi ang kulay, hugis at laki. Maaari nilang muling makuha ito kung ang kanilang buong kakayahan, puhunan at panahon ay ibubuhos nila sa layuning ito. Kakaiba naman sa nahahawakan tulad ng kagamitan sa tahanan, kung ito’y tinunaw ng apoy sa sunog ay hindi na nila ito maibabalik sa kaniyang orihinal na porma, abo na lamang ang kanilang makikita.

Maaaring ihalaw ang pagbuo ng Learning Recovery Plan parang batong inihagis sa dagat. Ang pagbawi ay may kaakibat na matinding hirap, pagtitiis at pag-asa. Malalim ang karagatan na dapat sisirin. Unang dapat ihanda ay ang mga mag-aaral, na maganyak silang muling pumasok sa pasilyo ng paaralan, maibalik ang kanilang kasigasigan at muling mabuhayan ng pag-asa sa kabila ng lahat ng bagay na nagdaan ay nagbabadya ang bago at luntiang kinabukasan.

Sa Kabilang banda tila kasing lawak ng aplaya at dalampasigan nakapaligid na kumakatawan sa kanilang mga stakeholder ang dapat na suyuin, ipaalam sa kanila ang tunay na mukha ng kasalukuyang nakababahalang kalagayan ng mga mag-aaral, kasama ang mga guro, paaralan, kurikulum at maging ang mga kagamitan. Ang kanilang pakikipaghawak-kamay at hindi matatawarang pagtulong ang siyang magpapabilis upang ang mga mithiin ay makamtan.

Samantala, ang patuloy na paglilinang ng kakayahan ng mga guro sa pananaliksik, makabago at artistikong pagganap ng sining ng pagtuturo ay siyang parola ng karunungan at kaalaman na tatanglaw sa mga madilim na bahagi ng pagaalinlangan ng mga mag-aaral. Ang mga pag-aalinlangan ito ay mapapalitan ng kumpiyansa at tiwala sa kagawaran at sa pamunuan.

Upang higit na mabigyan diin ang usapin ng recovery program ay makabubuti kung magsasaysay pa ng iba pang mapaghahambingan. Isang halimbawa ng pagsalba ay malinaw nilang natutunghayaan sa mga direktang nakaranas ng hagupit ng bangis ng maladelubyong bagyo, kung saan ang mga tahanan at kabuhayan ay pinadapa at iniwang halos walang mapagkukunan. Wala silang ibang pagpipilian kung hindi pulutin at isalba ang mga tira-tira at pira-pirasong labi upang muling bumangon, kumilos at magpatuloy sa takbo ng buhay.

Batay sa datos na nakalap ng mga kawani ng dibisyon lumalabas na sa apat na pangunahing asignatura ang Science, English, Mathematics, at Filipino ay kapansinpansin ang pababang antas ng kakayahan ng mga mag-aaral. Ang mga datos na ito ang mahahalagang piraso na nalabi sa delubyong nagdaan. Mula rito ay gagawa sila ng konkretong hakbang na magpapabago sa kanilang lugmok na kalagayan.

Bago pa man ang pandemya, ang resulta mula sa isang pandaigdigang pagtataya ng kaalaman ng mga mag-aaral sa Pagbasa, Agham at Matematika, sinampal sila ng katotohanan ang mga mag-aaral na Pilipino ang numero uno hindi nga lamang sa unahan kung hindi sa hulihan resulta ng Program for International Student Assessment (PISA) 2018. Ang mababang kasanayan sa Agham at Matematika ay pumangalawa sa ibaba. Hindi ba’t ito ay suliraning hindi lamang dapat ang mga guro at kawani sa paaralan ang mag reresolba, kungdi kasama ang mga magulang, pamayanan, mga halal na opisyal sa pamahalaan at maging ang mag-aaral mismo sapagkat ito ay para sa kanilang kapakanan.

Marapat lamang na ang lahat ay makipagtulungan sa mga magagandang proyekto ng kagawaran na naglalayon na mapabuti ang kalagayan ng mga mag-aaral. Huwag dapat isiping napakahirap ng bagay na ito, sapagkat kung ang Pagsalba ng pagkatuto ay para sa kapakanan ng mga kabatang Pilipino, hindi ba’t ito’y dapat huwag ipagsawalang bahala kungdi pagtuunan ng pansin at panahon upang ang tunay na makikinabang ay ang madla.