Diana Joy M. Alanzalon, Teacher III
Sino nga ba ang nangangailangan ng tunay na pansin? O nangangailangan ng palaging atensyon? Kalinga… na kung minsan sa tahana’y di matagpuan o gabay na kailangan sa araw-araw. Sa dami ng mag-aaral mong hinahawakan, ilan nga ba silang higit na mas kailangan ka?
Marami sa ating mga mag-aaral kung minsan ay di natin kaagad napapansin ang tunay na pangangailangan. May takot sa kanilang sarili na baka sila ay mapagalitan o mapahiya. May ilan din namang tahimik lang din o walang imik sa isang tabi. May ilan namang palipat-lipat ng pwesto at upuan na wari’y di mapakali, kung minsan sila pa itong lumilikha ng gulo o ingay sa kalagitnaan ng iyong pagtuturo. Iyon bang mga abala sa kanilang mga sariling gawain na di mo naman pinagagawa.
Kung minsan naman bigla nalang magpapalipad ng papel na eroplano. Hindi rin mawawala iyong tipo ng mag-aaral na kung tawagin ay “supervisor” na mas madalas pa ang paglibot sa buong klase kaysa ang makinig. Mapapahinto ka nalang tuloy bigla at mapapaisip, ano bang kulang sayo bilang guro? May isa o dalawa ring halos hindi mo na masulyapan sa isang linggo, hindi mo mawari kung may balak pa bang pumasok o bakasyon na sa kanila. Kung hindi mo pa dalawin minsan sa kanilang bahay ay ‘ di mo malalaman ang dahilan ng pagliban sa klase. Magugulat ka na kaya pala hindi pumapasok ay panahon ng taniman sa bukid. O kaya naman ay taga-alaga ng kanyang nakababatang kapatid. Minsan pa ay sadyang ayaw niya lang pumasok sa klase.
Oras ng meryenda. Habang abala ka sa paghahanda sa sa susunod mong klase may mapapansin ka rin na mag-aaral na hindi tumayo sa kaniyang upuan, bakit?… dahil pala wala siyang pambili ng makakain. Kapag naman binigyan mo ay hindi pa n’ya gagastusin at ibubulsa na lamang ito.
Oras ng meryenda. Habang abala ka sa paghahanda sa sa susunod mong klase may mapapansin ka rin na mag-aaral na hindi tumayo sa kaniyang upuan, bakit?… dahil pala wala siyang pambili ng makakain. Kapag naman binigyan mo ay hindi pa n’ya gagastusin at ibubulsa na lamang ito.
May isa o dalawa pang kapansin pansin sa halos araw-araw niyang pambu bully sa kanyang mga kamag-aral. Araw araw o oras oras mo nalang kung siya ay bawalin at kausapin. Isang lingat mo lang minsan ay may nagawa na naman siyang hindi kaaya aya. Kapag kinausap mo sa una’y hindi mo agad matutuklasan ang dahilan ng kanyang ganoong gawain. Maraming beses mo ito kailangan gawin upang malaman kung bakit nga ba siya ganoon sa loob o labas ng klase.
Kasama rin sa mga tunay na nangangailangan sa’yo ang ilang mag-aaral na kung minsan ay nasa ika-tatlo o ika-apat na baitang na ay hindi pa makapantig. O kaya naman ay iyong mga mag-aaral na simpleng konsepto ay hindi nila makuha agad. Napapatanong ka tuloy sa sarili mo ano pang kulang? Ano pa ang di mo nagawa? May mag-aaral din na tahimik lamang ngunit kapag tinanong mo patungkol sa aralin ay mas nakakasagot at sunod pa. Kailangan mo lamang talaga iparamdam ang pagbati o pagpuri sa kanya para iparamdam na kabilang siya. Kaya nga sa una palang ng kanilang taon ay dapat napagtutuunan na natin sila ng pansin.
Sa loob ng sampung buwan sa isang taon, limang araw sa isang linggo, halos walong oras sa isang araw na nakakasama mo ang iyong mag-aaral marami ka pa palang hindi natutuklasan sa kanila. Kung tatlumpu silang mag-aaral mo, tatlumpung katangian din ng mga mag-aral ang dapat na kilala mo bilang guro nila. Hindi naman kailangan na sa isang iglap ay makilala mo agad ang iyong mga mag-aaral. Mahabang pasensya, malawak na pang-unawa, patuloy na pagsubaybay, pakikipag-usap na naayon sa kanilang pag-uugali, pansin, kalinga at gabay ang tunay na kailangan pa nila sa paaralan.