Glenda Viola
Science Teacher
MNHS-ANNEX
Buhay-guro…Buhay sa aki’y walang kasingsarap. Pinapangarap kong makamit noong mga panahong ako’y kay Mam nakaharap, pinagmamasdan ang kaniyang postura mula umaga hanggang pag-uwi naming magkakasama.
Kaysarap marahil mamuhay bilang isang guro. Gigising, babangon mula sa malambot na kama, kakain ng masarap na almusal at maliligo sa mabulang tubig na halu-halong mababangong sabon at pampakinis ng kutis ang nakalagay.
Hay, ang buhay-guro sa wari ko’y para kang isang prinsesa ng minamahal at nirerespeto ng lahat. Naaalala ko pa, may trono siyang upuan sa kaniyang lamesa ng uniti na agiw na sa pagkat ayaw nyang mawaglit kami sa kanyang paningin. Libot dito, kumpas doon. Turo dito, kulay doon. Hindi niya kami hinayaang mapaos sa pagtawag sa kanya dahilis ang “mam” lang nami’y nasa tabi na naming siya.
Mawalan man kami ng tinig ay dahil sa masigla at sabay-sabay naming pagtawag sa kanya sa tuwing magtuturo sya. “Mam, mam, mam!” Unahan kami sa pagsagot sa tanong ni mam. Natubigang palaka man ang tawag niya sa amin, siya’y aming mahal pa rin.
Mga hiwaga ni mam, aking isasalaysay, mga kakayahan niyang alam kong dulot ng kanyang masarap na buhay.
Si mam nasa isang pitik lang ng daliri’y nasulat na sa pisara ang aming asignatura. Paano niya nagagawa ‘yun? Paanong sa animnapu’t tatlong mga mag-aaral niya’y nakikilala niya ang bawat isa at natatanto ang kung sino kahit malayo pa?
Paanong nababatid pa niya ang kung sino ng nagsulat ng pangalan ng napupusuan niya sa upuan at pisarang tatlong dekada nang nagsisilbing katuwang niya sa pagtuturo? Kung paanong nakangingiti pa si Mam kahit ang aming sayaw at anumang recital ay hindi mahusay, ay gayundin ang tanong ko sa kung paanong siya ay umiiyak sa tuwing napeperpekto ang aming galaw.
Sa pantaha ko’y dala ito ng masarap na ulam ni Mam, dahil ito sa malambot na higaan ni Mam. Sa isip ko’y ganoon naman talaga hindi ba? Magaan ang lahat kapag masarap ang ulam at malambot ang higaan. Samurang isip ko’y nais kong tularan si Mam, ang buhay ay ‘easy’ lang.
Sa isang iglap, mga libro’y dala niyang lahat, kalakip pa’y samu’t saring makukulay na mga papel na araw-araw niyang pinapaskil sa pisara ngunit nagdudulot ng kilabot. Bakit kaya araw-araw, iba’t ibang drowing, talaan, at sulat ang nasa loob ng makukulay na mga papel?
Siguro, minahika na naman ni Mam. Saan kaya niya itinatago ang kaniyang ‘wand’?
Araw-araw sa aming kakulitan, hinihintay nalang daw niyang kami’y lumisan. Mga salitang bukambibig ni Mam sa tuwing harutan naming magkakaklase’y nagiging pisikalan. Dumating ang araw ng pagtatapos. Si Mam hindi mapugto sa pagtangis. Ito na ang araw na kami’y lilisan ngunit nakakapagtakang mga kamay nami’y ayaw niyang bitiwan. Higpit ng yakap niya’y di matatawaran.
Lumipas ang mga taon. Nagkita muli kami ni Mam. Usap. Tawa. Iyak. Si Mam, nawaglit na yata ang wand. Postura rin niya’y nagbago na. Si Mam, hindi na ako kilala. Ngunit tanda niyang may estudyante siyang sa gate pa lang siya’y alam na kung sino ang pagagalitan sa ingay.
Tinanong ko siya. Iyak. Iyak nalang ako ng iyak. Si Mam, wala palang wand. Nilinlang kami ni Mam.
Sa bawat araw pala’y nahihirapan siya. Mga libro pala nami’y mabigat sa kaniya. Higaan din pala niya’y hindi malambot. Ngunit ulam niya’y masarap. Masarap ang talbos ng kamoteng Masaya nilang pinagsasaluhan.
Tama ako sa isa. Wala siyang wand pero masarap ang kaniyang ulam.
*libro=all the responsibilities of a teacher
*wand=the ablity of the teacher to cope with problems and do it with grace
*ulam na masarap=the joy of being a teacher despite hardships