Aaron s. Sobrevilla
Administrative Assistant III
Ilan sa mga pinaghihirapang makamtan at hinahanap-hanap ng tao ay salapi, bahay, sasakyan, at ibat ibang uri ng alahas at ginto. Ngunit ano ba ang tunay na kayamanan? Maituturing na tunay ang kayamanan kung ito ay hindi nahahawakan ngunit nararamdaman ng puso.
Ang tunay na kayamanan ay hindi nakabase sa materyal na bagay, ito ay ang pagmamahal sa kapwa, sarili at higit sa lahat ay sa Diyos. Ito ay nakakapagparamdam ng hindi maipaliwanag na kasiyahan at mananakaw ng iba. Ang pagpapahalaga, pagtutulungan at pagiging mabuti ay isa sa mga tunay na kayamanan. Hindi batayan ang posisyon sa kayamanan sapagkat hindi ito ang tunay na yaman, ang tunay na yaman ay nakikita mula sa puso.
Hindi maikukubli na sa bawat araw na dumadaan ngayong pandemya ay maraming bagay na dapat isinaalang-alang ang mga guro. Sa kabila ng hirap na dinaranas sa kanilang pagtuturo ay nananatili pa rin ang pagsisikap na maibigay sa bawat batang Pilipino ang dekalidad na edukasyon na nararapat sa kanila. Iba’t ibang pamamaraan at programa ang patuloy na inilalatag ng departamento upang mapunan ang agwat ng kalinangan sa pagtuturo na hindi lubos na naibigay sa panahong hindi inaasahang pangyayari. Puso ang nagsilbing patnubay at pinagmulan ng kasigasigan ng mga guro upang kahit papaano ay mabigyang-pansin ang mga batang ninanais ang pagkatuto mula sa kanila. Ang mga magulang ng mga batang ito ay nagsusumikap upang magabayan ang kanilang mga anak at masuportahan ang pag aaral sa kabila ng pangamba na dulot ng panganib na dala ng pandemya. Subalit walang huminto at walang sumuko sapagkat patuloy na naglakas-loob ang bawat isa na maitagpos at maipagpatuloy ang pagdaloy ng karunungan sa mga batang patuloy ang pagtahak sa kanilang mga buhay mag-aaral.
Lahat ng tao ay may motibasyon sa pagganap sa kani-kaniyang mga gawain. May nagtitinda ng taho, naglalako ng suman, manggugupit ng buhok, tagalinis ng bahay, tagapag-alaga ng bata, empleyado sa gobyerno, sa ospital o sa opisina, nagsusulat, nagpipinta, at iba pa. Walang sinuman sa kanila ang dapat maliitin, maliit man o malaki ang kanilang gampanin sa buhay. Bawat isa ay may inspirasyon at pinagkukunan ng lakas upang magpatuloy sa buhay. Ito ay maaring pamilya,anak, magulang kapatid, at iba pa.
May ilang mahahalagang bagay sa mundo na kayamanan ang katumbas sa mga tao. Ilan sa mga ito ay ang sumusunod:
1. Pamilya
Ito ang mga taong kaagapay simula pagkabata na humubog sa paguugali at pagkatao ng bawat isa. Mga taong kasama sa lahat anumang suliranin ang dumating sa pamilya.
2. Edukasyon
Kayamanang hindi mananakaw ninuman at nagsisilbing gabay sa pagtahak ng mas maginhawang buhay. Nagdudulot din ito ng pakiramdam ng mas malaking tiwala sa sarili. “Sa katalinuhan ang bahay ay itinatayo, at sa karunungan ito ay itinatatag; sa kaalaman ang mga kuwarto nito ay pinupuno ng mga pambihira at napakagandang mga kayamanan” (Kawikaan 24:3-4).
3. Kasaganaan
Maraming naniniwala sa kasabihang “money is the root of all evil” o “pera ang ugat ng lahat ng kasamaan”. Mali ang kasabihang iyon. Ang totoo, ang “LOVE of money” o “pagmamahal sa pera” ang ugat ng lahat ng kasamaan. Maraming mabuting pahayag sa bibliya, ang nagsasaad tungkol sa pagsisikap yumaman at marami din pahayag ukol sa kasakiman at kasamaan. Ang kayamanan kapag pinagsikapan ay isa lang sa maraming uri ng biyayang ibinibigay ng Diyos. Mahalagang mabatid ng bawat isa ang hangganan ng kasiyahang dulot ng salapi upang hindi ito makasama sa kanya.
4.Tunay na kaibigan
Mga taong hindi hahayaang mapahamak ang kanyang kaibigan. Sasabihin ang totoo at kung ano ang tama na nakikita bilang kaibigan. Sandigan at kasama sa mga suliranin, problema, saya maging kalungkutan.
5.Sarili
Ito ang bagay na pinakamahalaga sapagkat bilang tao ikaw ay dapat unang magmahal sa iyong sarili. Kung walang pagpapahalaga sa sarili ay hindi din makapagpapahalaga ng tunay sa ibang tao. Sinabi sa Bibliya, “Sapagkat kung nasaan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso”(Mateo 6:21). Mahalagang malaman ng tao kung anong mga bagay ang pinapahalagahan niya sa buhay. Maiging suriin ang mga ito kung nararapat ba na ituring na kayamanan o pansamantala lamang. Maaari nitong kainin ang buo niyang pagkatao habang sumisidhi ang pagmamahal nito na bagay na itinuturing niyang kayamanan. Mahalaga ang kayamanan sa lupa habang nabubuhay subalit ito ay pansamantala lamang at maaaring manakaw o mapawi. Hindi masamang maghanap-buhay o magnegosyo para kumita ng salapi. Ito ang nais ng Diyos mangyari sa tao. Habang nabubuhay ay sumagana at tamasahin ang kayamanan sa lupa. Ngunit kung dito lamang itutuon ng tao ang kanyang puso, ito ay makasasama.
Nararapat na bigyang pansin din naman ang ilang bagay na kung hindi maituturing na kayamanan ay may kapakinabangang dulot din sa puso ng bawat isa. Maraming simpleng bagay sa mundo ang malaki ang nagiging epekto sa mga tao. Mga simpleng pagtulong at pagbibigay habag sa mga taong dumaranas ng kalungkutan. Ang tulungan silang pasayahin at bigyang pag-asa sa buhay. Malasakit sa mga taong minsan lang nakaharap ngunit minsan ding natulungan. Pinakamahalaga ang pagmamahal sa Diyos na siyang unang nagmahal sa bawat isa. Ang bawat bagay sa mundo ay magkakaugnay at dapat bigyang halaga. Ang lahat ng ito ay nakakapagbigay kapayapaan at kaginhawahan na puso ng bawat isa at ito ang maituturing na KAYAMANAN.
Mga Sanggunian: Yourwealthymind.com