ni: John A. Ocampo
Bawat isa ay nangangarap ng kaginhawaan sa buhay. Subalit sa paglipas ng panahon, kaalinsabay ng mabilis na pag-unlad at pagbabago ng makabago o modernong teknolohiya ay ang pagtaas ng mga bilihin na sadyang nagpapahirap sa mga tao.
Mapalad ang ilan na ipinanganak mula sa maginhawang pamilya. Hindi nila alintana ang hirap ng ilan dahil sa kaluwagang mayroon sila sa buhay. Lahat ng pangangailangan ng kanilang mga anak ay kanilang naibibigay mula sa magandang bahay,mga damit, magandang paaralan at maging ang kanilang mga luho. Subalit minsan dahil sa sobrang abala ng mga magulang sa paghahanapbuhay, ang luhong ito gaya ng cellphone at kompyuter ang nagsisilbing kanlungan ng mga bata. Mas maraming oras ang naibibigay sa mga ito kaysa sa pag-aaral. Dahilan kung bakit mababa ang mga markang nakukuha. Hindi masyadong nabibigyang-pansin ang kahalagahan ng edukasyon dahil sa pagbibigay pansin sa mga bagay na nagbibigay interes sa kanila. Ang oras na igugugol sa pamilya ay hindi mapapalitan ng mga luho. Sa patuloy na kakulangan ng oras sa bawat isa at lalong lumalawak ang agwat na maaaring humantong ng alitan sa pamilya. Hindi kataka-takang nagiging kanlungan ng mga kabataan ngayon ang paggamit ng cellphone at kompyuter kung wala ang kanilang magulang na dapat gumabay sa kanila. Sa kabilang banda, responsibilidad din ng isang bata na tugunan ang tukso ng makabagong panahon. Lalo pa at tumataas ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs sa bansa, kung saan naiiwan ang mga anak habang nagtatrabaho ang kanilang magulang. Ngunit masisisi ba ang mga pamilyang nagsasakripisyo upang masiguro ang magandang kinabukasan ng kanilang mga minamahal, upang hindi nila maranasan ang pait ng kahapon na minsan nilang kinasadlakan.
Sa kabilang banda, may pamilyang salat maging sa pangunahing pangangailangan. Araw-araw na naghahanap-buhay upang mapunan ang kanilang mga pangangailangan. Sa hirap ng buhay, maging ang mga anak ay nagiging katuwang ng magulang sa paghahanap-buhay. Sa murang edad ay naimulat ang kanilang kaisipan na magbanat ng buto upang makakain, kaya ang ilan ay hindi pumapasok sa paaralan. Kahit maghapong maghanap-buhay ay hindi pa rin sapat sa kanilang pangangailangan. Naghihikahos man ang ilang pamilya, mas mabuting magkakabuklod na harapin ang marahas na agos ng buhay. Wika nga , mas mahusay na matatapos ang isang gawain kung magkabugkos ang walis na tingting, sa ganitong pagkakataon nasusukat ang matatag na ugnayan at pagmamahalan ng bawat miyembro ng pamilya. Isa itong patunay na wala mang kayamanan ang pamilya ay sapat na upang punan ang bawat kakapusan.
Walang ibang yaman na maibibigay sa kanilang anak, kung kaya iginagapang ang kanilang pag-aaral ng mga ito. Laging ipinamumulat sa mga anak na ang buhay ay sadyang mahirap sa mga hindi nakapag-aral lalo na sa panahon na ito.
Mga aralin at magandang asal na kanilang natututuhan sa paaralan ay naiipon sa kanilang murang kaisipan. Ito ay maihahalintulad sa munting barya na isinisilid sa isang lalagyan na sa pagdaan ng panahon ito ay mapupuno at magagamit sa mas makabuluhang mga bagay. Ang edukasyon at paggabay ng magulang sa kanilang anak ay magtuturo na ; “ Kung may isinuksok, may mabubunot”. Kahawig ito ng mga karanasan at mabuting asal, ang patuloy na pagkatuto ay magiging sandata upang harapin ang mga pagsubok ng kinabukasan.
Bawat butil ng kaalamang ito ay magsisilbing sandata sa pagtahak ng kanilang lakbayin sa buhay. Ang karunungang ito ang magiging susi sa tagumpay na kanilang pinapangarap. Ayon nga sa kasabihan, “ Ang Edukasyon ay kayamanang hindi mananakaw ninuman”. Sa kabila ng kahirapan na kanilang dinanas, ito ay hindi balakid upang makamit ang tagumpay. Mula sa karunungan at patuloy na pag-aaral, ito ang kanilang natatagong kayamanan na magbibigay sa kanila ng maginhawang buhay.
Ang Edukasyon at karanasan ay hindi lamang yamang nakakubli, kundi ito ay ginto na simula pa lamang ay inihandog na ito sa atin. Aanhin nga ba ang kayamanan kung wala ang karunungan na siyang itinatatak sa ating isipan. Ang edukasyon ay hindi lamang naituturo sa paaralan, bagkus ito ay mga karanasang huhubog sa atin upang maabot ang inaasam nating tagumpay sa buhay.