Mga Kaugaliang Pinoy Ngayong Pandemiya

Dei Chiara Abao

Sa loob ng ilang buwan maraming negosyo at sektor ng bansa ang pansamantalang nahinto dahil sa COVID-19 Pandemic. Resulta ito ng pagkawala ng trabaho o pagkakakitaan ng malaking bahagi ng mamamayan ng Pilipinas. Ngunit sa gitna ng krisis na ito ay naipakita ang kabutihan ng mga Pilipino. Ang ilang bagay na nagpakita ng magandang kaugalian ng mga  Pinoy ay ang mga sumusunod:

  1. Pananampalataya sa Diyos

Nahinto man ang mga mass gatherings ay di pa rin nagpaawat ang mga Pinoy sa pagpapalaganap at pakikinig ng salita ng Diyos. Sa katunayan, marami ang mga videos ng preachings sa Facebook at sa iba pang social media sites. Nauso rin ang ilang facebook pages na naglalayong bigyan ng motibasyon ang mga tao ngayong pandemic. Nabuo rin ang ilang house churches kung saan ang bawat pamilya ay sama-samang nagbubulay-bulay ng salita ng Diyos. Magkakaiba man ang relihiyon ng mga tao dito sa bansa, ang mahalaga ang bawat isa ay mayroong pusong mananampalataya sa Panginoon at may nais na mapatibay ang relasyon sa Kanya. 

  1. Pagmamahal sa Pamilya

    Dahil sa lockdown ay nagkaroon ng maraming oras sa isa’t isa ang magkakapamilya. Mayroong sinasamantala ang panahong ito upang magkwentuhan ng mga nangyari sa kanilang buhay na hindi nila naibahagi sa mga nakalipas na taon. Ang iba naman ay pinag-uusapan ang mga nakatutuwang pangyayari sa nakaraan at inalala kung paano nila napagtagumpayan ang hirap ng kanilang pinagdaanan upang marating ang kasalukuyan na nagsisilbing moog upang anumang dumating na pagsubok sa pamilya ay makakaya ng lahat. 

  1. Pagtulong sa kapwa

    Napatunayan na sa kabila ng krisis na ito, ang mga Pinoy ay may pusong handang tumulong sa mga taong nangangailangan. Sa iba-ibang sulok ng bansa, maraming tao ang nag-abot ng tulong pinansyal, nagbigay ng relief goods at namahagi ng munting merienda sa mga volunteers, health workers at frontliners. Hindi lamang politiko, may mga matataas na tungkulin sa lipunan o mga artista ang nagpamahagi ng grasya kundi pati ang mga simpleng tao na may kaunting sobra tulad ng kapitbahay at kaibigan nating nagbigay ng kung ano ang mayroon sila. Anumang katayuan sa buhay ay nakiisa at sama-sama.

  1. Pagiging madiskarte at malikhain

    Dumami ang nga online sellers na nag-aalok ng sari-saring produkto. Ang ilan dito ay mga vitamins pampalakas ng resistensya, alcohol, gamit sa bahay, mga damit, kolorete at iba pang pampaganda at face masks na bulaklakan na tinernohan ng headband na gusto ng mga fashionista. Ang lahat ng ito’y pumatok sa masa. 

 

Ang ibang mga kaibigan o kakilala rin natin ay lumabas ang husay sa pagluluto at maaring naalukan ka ng kanilang paninda. Kaya naman sa halip na makatipid ay napagastos ka pa. Ngunit ayos lang dahil bukod sa nabusog ka, natulungan mo pa silang magkaroon ng extra kita.

Ang pandemiya kinakaharap ng bansa ay hindi naging hadlang upang maipakita ang mga mabubuting kaugalian nating mga Pinoy. Likas sa atin ang pagmamahal at pagpapahalaga sa pamilya at mga kapwa. May kanya-kanya man tayong matitinding pagsubok na dinaranas ay pinipili pa rin nating tumulong sa iba . Hindi rin tayo tumitigil na humanap at gumawa ng mga paraan upang magkaroon ng pagkakakakitaan para maipangtustos sa pang-araw-araw na buhay.

Higit sa lahat, hindi nawawala sa atin ang pananampalataya sa Diyos na kontrolado Niya ang lahat ng bagay at anoman ang panahon ay hindi Niya tayo pababayaan. Sama-sama tayong magtiwala sa Panginoon na sa habag Niya ay mawawala na itong pandemiya.