ni: John A. Ocampo
Bago pa man ang implementasyon ng programang K-12 Kurikulum sa Pilipinas, isa ang bansa sa tatlong nananatiling hindi sumasabay sa K-12 Kurikulum, kasama ang bansang Angola at Djibouti.
Taong 1945 hanggang 2011, ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay tumatagal lamang ng 10 taon, nagbago ito matapos itulak ni dating Pangulong Benigno Aquino na kailangang makasabay ang Pilipinas sa pamantayan ng edukasyon sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Sa kasalukuyan ay lubos nang naisakatuparan ang implementasyon ng programang K-12 Kurikulum na naglalayong ihanda ang bawat mag-aaral sa pagtuntong sa kolehiyo at pagiging bahagi ng lakas paggawa matapos ang mahabang prosesong pinagdaanan nito mula taong 2011-2017.
Hindi lamang tungkol sa pagdaragdag ng dalawang taon ng Senior High School (SHS) sa unang sampung taon ng edukasyon ang K – 12, kundi panahon upang lalong makapaghanda ang bawat mag-aaral na harapin ang kolehiyo at maging mas produktibong manggagawa sa hinaharap.
Sa pamamagitan ng dagdag na dalawang taon sa Senior High School (SHS), malalaman ng mag-aaral ang interes, kasanayan at espesiyalisasyon na makatutulong upang makapasok sa kalidad at tiyak na kurso sa kolehiyo. Masisiguro rin ang pagbaba ng bilang ng “job-mismatch” na siyang nagpapababa sa kalidad ng trabaho ng lakas paggawa.
Isang hakbang ang programang K-12 upang maisabay ang kasanayan ng mga manggagawang Pilipino sa lakas paggawa ng karatig bansa sa pamamagitan ng paghasa sa mga mag-aaral upang maging globally competitive.
Bukod sa nabanggit, marami pang mga kahalagahang hatid ng K-12. Sa pamamagitan nito, ang mga mag-aaral na walang sapat na pambayad sa tuition fees ay maaari ng magpatuloy ng libre hanggang makatapos ng Baitang 12 o yung tinatawag na Senior High School. At kapag nakapagtapos ng Baitang 12, maaari na silang magpatuloy pa sa Kolehiyo o maghanap ng mapapasukang trabaho ng walang kahaharaping diskriminasyon sapagkat ang dagdag na dalawang taon ay magsisilbing sapat na educational experience upang makahanap ng disenteng trabaho.