ni: John A. Ocampo
Lapis! “ Kanino kaya ito?” “ Kung walang nagmamay-ari ay akin na lang.” Ito ang kalimitan nating naririning sa mga estudyanteng nakakapulot nito.
Mula pagkabata, lapis ang pangunahin nating ginagamit , bawat pagkamali ay maaari natin itong maitama.
Minsan, sa aking paglalakad papuntang paaralan, nakakita ako ng isang bagong lapis. Pinulot ko ito. Nagpatuloy ako sa aking paglalakad habang pinagmamasdan ang lapis na ito. Tinanong ko ang aking sarili, “ Aanhin ko ito? “. Sa panahong ito, ano kaya ang kahalagahan ng lapis sa kabataang tulad ko? Masusi akong naghahanap ng higit na malalim na kasagutan sa tanong.”
Sa paglipas ng ilang araw, marami na rin akong napatunayang naisulat ng aking lapis. Kasabay nito, unti-unti kong nasasagot ang mga katanungan ko. Na ang buhay natin ay parang paggamit ng lapis na sa una magkakamali tayo, datapwat handang mabura upang makapagsimula ng panibago. Sa bawat kuwento ng buhay ay may pagkakataon na tayo ay magkamali ng paulit-ulit ngunit kailangan pa rin nating ilarawan ang mga pangyayaring ito na kahit hindi maganda ay tumatak pa rin sa ating alaala. Kalakip ng mga alaalang ito ay mga aral na magiging gabay natin sa pagtahak ng ating landas. Sa bawat pagsubok ng ating buhay nagiging kaakibat nito na tayo ay maaaring madapa, magkamali pero katulad ng lapis puwede nating burahin na magiging bakas ng ating pagkakamali. Sa bawat pagkakamali ay may katuwang na responsibilidad. Sa ating pagkakadapa tulad ng lapis ay puwede natin itong tasahan para muling makapagsulat ng panibagong yugto sa ating buhay. Lapis na sumisimbolo sa ating pagkabata, kagat-kagat ang dulong bahagi ng lapis na pawang nag-iisip ng mahahalagang bagay na maaaring gamitin sa pang-araw-araw na gawain sa paaralan.
At sa pagpapatuloy ng aking paglalakbay patungo sa kinabukasan, ang lapis na napulot ko ang magiging instrumento upang maiguhit ko ang aking pangarap, at gawing inspirasyon upang maabot ko ito.