Ni: Mervin A. Bondoc
Patatas- Hindi mawawala ang patatas sa buhay ng mga Pilipino. Naging bahagi na ito ng mga pagdiriwang sa iba’t ibang okasyon. Ngunit, hindi lamang ito isinasama sa ibat ibang lutuin sapagkat maaari rin itong konsumuhin para sa pagpapalakas ng katawan.
Ang Solanum Tuberosum o patatas ay isang karaniwang halaman na maaaring kainin ang bungang-uat ay madalas itinatanim sa matataas na lugar, partikular sa kabundukan ng Cordillera at Mindanao. Maliit lamang ang halaman nito at ang bulaklak nito ay puti.
Base sa Health.com, ang patatas ay nagtataglay ng bitamina na pampababa sa pressure ng dugo, nakatutulong upang lumikha ng bagong cells ng katawan, at nakapagbibigay ng lakas sa mga muscles lalong-lalo na sa mga atleta o mga taong maraming pisikal na gawain.
Ayon naman kay Lass Tantengco, registered nutritionist at dietician, ipinaliwanag niya nag mga tiyak na bitamina at benepisyo mula sa patatas:
Ito ay may Vitamin C na tumutulong upang mapalakas ang resistensya ng katawan, fiber na nakapagdudulot ng regular na pagdumi,mga sustansiya gaya ng phosphorus, iron, calcium, at magnesium na nagpapalakas sa mga buto at may Vitamin B at C na pumupigil sa maga ng katawan.
Dagdag pa rito, ang mga sakit na maaaring magamot ng patatas ay gout o rayuma, hyperacidity ng sikmura, altapresyon, hirap sa pagdumi, paso sa balat, pangangati at sa mga ina sapagkat nakatutulong ito sa pagpapataas ng produksyon ng kanilang gatas na pinapasuso sa kanilang anak.
Makikita ang patatas sa iba’t ibang putahe gaya ng afritada, kaldereta, nilaga at iba pa na nagpapasarap sa hapag ng mga Pilipino. French Fries ang luto ng patatas na halos alam ng mga Pilipino ay hindi rin maaaring abusuhin sapagkat ibinababad ito sa mantika na hindi maganda kapag nasobrahan.
Bilang isang agrikultural na bansa, isa lamang ang patatas sa mga maaaring kuhanan ng mga sustansiya na makatutulong sa bawat Pilipino na nais magkaroon ng magandang kalusugan.