Jerry I. Carrido
Administrative Aide VI
Schools Division Office
Ang isang organisasyon, opisina, o ahensya ay maihahalintulad natin sa isang bangka. Meron Timonero, tripulante at pasahero. Lahat ay nakasakay sa iisang bangka. May tinutungong direksyon at may iisang misyon na minimithi.
Ang bangka bago man o hindi ay kailangan maglayag, sa tulong ng mga nakasakay ay sasagupain ang mga unos upang ang misyon ay maabot. Halimbawa na lamang ang isang bangka na matagal ng naglalayag, gaano man kalakas ang hampas ng mga alon at daluyong ay hindi ito tumitigil at nagpapatinag, nagpapatuloy sa landas na nais marating. Hindi maiiwasan na ang mga layag ay mapigtal at marami ang kumalas, nawawala sa direksyon ang bangka hindi malaman kung sa kaliwa o kanan ang tinatahak. Pero kahit anuman ang mangyari dapat tahakin ng bangka ang tamang landas, upang matupad ang misyon at hindi kumupas.
Sa isang bangka hindi maiiwasan na mayroon nakasakay na may tinatagong kulo? Pipilitin nitong sisirain ang bangkang punong-puno. Dahil dito kadalasan ay magkakaroon ng sira at mayroon mawawasak na bahagi upang magpatigil sa paglalayag ng bangka. Pero nandyan naman ang mga tripulante na lulan ng bangka. Hindi nila pababayaan na ito ay masira at matigil sa paglalayag. Iingatan nila ang bangkang sinasakyan para hindi ito magupo at ang mga nawasak na bahagi ay kanilang aayusin at pipilitin mabuo, para ang takbo ng bangka ay maging maayos at mapunta sa tamang direksyon at makamit ang misyon.
Subalit sa isang bangka mayroon talagang sadyang hudas. Pilit winawasak ang bangkang sinasakyan at pilit itong pinalulubog sa ilalim ng karagatan. Sa gitna ng mga unos at daluyong, d’yan umaatake ang mga hudas. Pilit sisirain hindi lang ang bangka pati na rin ang ibang nakasakay dito. Sumobra sa galing pero buhaw ang damdamin, sumobra sa talino pero ang awa ay hindi mo makita sa taong ito. Mataas ang turing sa kanilang sarili pero ang kaluluwa naman ay saksakan ng dumi. Kaya nang mayroon nang-Hudas, lahat ng lulan ng bangka ay hindi mapakali.
Ano ba ang dapat gawin ng mga lulan ng bangka para mapunta sa tamang direksyon? Hindi ba’t mas maganda na lang gawin na sabay-sabay na lang sagwanan ang bangka upang ito ay mapabuti at ang misyon ay makamit. Magkaisa at magtulungan ang mga lulan at ituwid ang takbo ng bangka. Magkaroon ng respeto sa isa’t isa, magkakaiba man ng posisyon. Suportahan at irespeto ang timonerong namumuno. Sila ang magdadala sa tamang direskyon ng bangka na lulan. Kung sakaling ang timonero ay mawala at mapalitan. Gabayan at irespeto ang bagong timonerong mamumuno, upang ang bangka na sinasakyan natin ay maging tibay ay manatili sa paglalayag sa direksyon na tinutungo.
Kaya sa isang organisasyon, opisina, o ahensya na kinabibilangan ay maging reponsable tayo. Isipin natin na nasa isang bangka tayo, anuman ang posisyon mo, ikaw man ay timonero, tripulante o pasahero ay mahalin natin at gampanan ang ating trabaho. Huwag maging hudas at nasa loob ang kulo na sisira sa misyong ninanais, dahil lahat tayo ay nakasakay sa iisang bangka na ang layunin ay makapagbigay ng magandang-aral at serbisyo sa bawat tao.