Divina D. Viloria
Administrative Assistant II
Babae, lalaki, maganda, gwapo, masipag, matiyaga. Ano nga ba ang ibig sabihin ng pantay na pagtingin sa kasarian ng tao? Ano ang mga naidudulot ng hindi pantay na pagtingin sa pagitan ng babae at lalaki? Karapat-dapat nga bang maging pantay ang pagtrato at pagtingin sa babae at lalaki sa lipunan?
Ang pantay na pagtingin sa kasarian ng tao ay nangangahulugan na ang mga kababaihan at kalalakihan ay parehong may karapatan at mga pananagutan, kapwa sila magkatulad na pagkakataon sa lipunan. Ang pagkakapantay-pantay ng pagtingin sa kasarian ay tungkol din sa pakikibahagi sa mga tungkulin, sa kapwa, sa pamilya at sa lipunan.
Sa mga nagdaang panahon ay may di-pantay na pagtingin sa pagitan ng babae at lalaki. Nagkaroon ng diskriminasyon at limitadong pagkakataon sapagkat nahahadlangan ng kasarian na makita ang kahusayan at kahinaan ng isang indibidwal, babae o lalaki, Ilang halimbawa nito ay ang pagpasok sa trabaho. Ang mga kalalakihan ay mas nabibigyang pansin sa mga trabahong mas nangangailangan ng puwersa at lakas ng pangangatawan samantalang ang mga kababaihan naman ay mas nabibigyan ng pagkakataon sa mga trabahong nangangailan ng sinop, linis at alaga sa paggawa. Sa kasalukuyang panahon ang Pilipinas ay binibigyang pansin at diin ang pagkakaroon ng pantay na pagtingin sa pagitan ng babae at lalaki, isang paraan ito upang makatulong sap ag-unlad ng lipunan. Malayang makagagawa at makapagpapahayag ang bawat indibidwal. Sa paanong paraan nga ba mauumpisahan ang pantay na pagtingin ng lipunan sa bawat indibidwal?
Ang paaralan ay isang lugar kung saan natututo ang mga bata at nagsisimula ang kanilang kaalaman. Ito rin ay isa sa maaaring daan upang lubusang maunawaan ng mga mag-aaral ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pantay na pagtingin sa bawat indibidwal. Mahalagang maumpisahan sa paaralan ang pantay na tingin sa bawat mag-aaral ng sa gayon ay ganoon din ang ipamalas ng mga mag-aaral sa kanilang lipunan.
May iba’t-ibang paraan kung paano at saan maaring maiangkla ang pantay na pagtingin sa magkaibang kasarian. Malaki ang tulong ng mga guro sapagkat sila ang direktang kaharap at kasama ng mga mag-aaral. Ngunit sa pagkakataong ito guro ang dapat manguna ayon sa kanilang sarili ay pagpapahalaga sa lalaki at babae. Maaari din nilang itaas ang pagkilala ng mga mag-aaral sa ganitong pagpapahalaga sa loob ng silid-aralan.
Mahalagang maipaunawa ng mga guro ang importansya nito sa mga mag-aaral sapagkat sila ang kinabukasan ng lipunan. Ang babae at lalaki o ang bawat isa ay nilikha ng Panginoon na pantay-pantay. Igalang, kilalanin ang lahat ng kanyang nilalang. Bigyan ng importansya at pagkakataon babae man, lalaki o ikatlong kasarian.