ni : Pedro J. De Guzman
“ Sabihin ang nais mong iparating, ngunit piliin ang nais mong sabihin.”
Mahalagang gampanin ng isang pinuno ang gumabay at tumulong sa kanyang nasasakupan. Ito ay nanghihingi ng pagbibigay-puna kung saan ay hindi magiging madali. Ang tungkuling ito ay nangangahulugan ng pagbibigay ng tugon at sapat na atensyon upang makapagbigay ng makabuluhang suhestyon
Tulad ng mag-aaral, ang mga guro ay nagangailangan ng matapat ngunit konstruktibong pagpuna mula sa kanilang pinuno.
Sapagkat ang isang guro ay nangangailangan din ng kaukulang papuri na maaaring magbigay sa kanya ng kasiguruhan o katiyakan sa mahusay niyang paggawa upang lalo siyang maganyak na pagbutihin pa ang kanyang gawain. Kaya naman nararapat na tayo ay magbigay ng positibong pagpuna. Mga puna na maaaring magpatibay sa ugnayan ng bawat isa.
Sikaping ang mga suhestiyon, positibo man o negatibo ay magiging instrumento upang lalong mapagbuti ng isang guro ang pagtuturo sa loob ng silid-aralan.
Iwasan ng isang pinuno na matangay ng kanyang emosyon kung nagsasalita. Magbigay ng puna kung ikaw ay kalmado dahil may mga pagkakataon na nakapagbibitaw tayo ng mga hindi magandang salita dahil sa ating emosyon.
Tayo bilang pinuno ang gumagabay sa ating nasasakupan sa tamang landasin, hindi para bumaba ang kanilang halaga at moral bilang indibidwal at guro. Huwag hayaang tangayin ang iyong emosyon sa mga salitang binibitawan.
Ang pinuno ay tagapangasiwa sa isang gawain upang sumunod sila. Mas madaling tumanggap ng pagpuna ang iyong nasasakupan kung ikaw ay pinagkakatiwalaan at hinahangaan.
Ang pinuno ng paaralan ay dapat na ganap na tagapangasiwa. Kung may problema huwag lamang magbigay ng puna bagkus magbigay ng angkop na suhestiyon, upang magsilbing kasangkapan ang puna tungo sa paglago ng mga guro.
Isipin na laging may pagkakataon tungo sa mabuting pagbabago ang bawat guro. Ang pagbibigay ng angkop na puna ay nakapagpapataas ng tiwala sa kanilang sarili at maramdaman na sila ay gumagawa ng tama.
Patatagin ang pagtitiwala at pagibayuhin ang mabuting pakikitungo. Maging isang ehemplo sa lahat ng nasasakupan upang ang iyong puna ay tanggapin sa positibong aspeto. Ang puna ay isang instrumento na dapat gamitin hindi para makasira kundi upang makatulong sa bawat guro tungo sa kanilang ikabubuti at ikauunlad