SA LIBRARY o SA INTERNET CAFÉ?

ni: John A. Ocampo

Malimit sa ating pag-aaral at pananaliksik, nangangailangan tayo ng maraming “references” upang mahanap natin ang mga kasagutang ating kailangan. Tumatagal ng mahabang panahon bago ito dumating sa isang konklusyon sapagkat ang mga impormasyon ay hindi nakukuha sa isang lugar o panahon. Ang pananaliksik ay isinasagawa ng bawat gustong matuto, maging doctor, guro o maging ng mga mag-aaral sa kanilang mga aralin sa klase.
Nariyan ang Silid-Aklatan o Library na siya nating laging pinupuntahan sa tuwing may kailangan tayong alamin. Mahabang pisi at pagtitiyaga ang dapat baunin sa loob ng silid na ito, sapagkat ang ating pakay ay maaaring hindi lamang matatagpuan sa isa kundi maraming aklat na buong tiyaga mong hahanapin sa linya ng mga aklat sa napakaraming “shelves”. Gugugol ka rin ng mahabang oras sa pagbabasa, subalit sa pagbasa ng bawat detalye nadaragdagan ang ating mga kaalaman.

Sa paglipas ng panahon, maraming imbensiyon ang nabuo sa ating hindi maawat na papaangat na teknolohiya, at maraming bagay ang nagiging posible at madali para sa atin, maging paraan ng pagkalap ng impormasyon ay nagiging napakadali para sa atin, “no sweat” ika nga.
Ang Library na dating tambayan ng magkaklase sa tuwing may takdang aralin,proyekto o bakanteng oras ay nalipasan na rin ng panahon. Dahil sa naglipana ang Internet Cafe sa paligid, halos wala ng mag-aaral ang nakakaisip magsaliksik sa Library.

Hindi lingid sa atin ang teknolohiya ay nagiging napakalaking tulong sa pamumuhay ng bawat isa. Ang internet ay isa sa matagumpay na imbensiyon ng siyensiya. Ang inaakala nating imposible ay maaari pala nating gawin, maging sa simple o kumplikadong bagay man. Ngunit anumang bagay na lumalabis sa limitasiyon ay nakasasama. Sa panahon ngayon na maraming bagay na ang maaaring pumukaw sa atensiyon ng mga kabataan na mamulat sa kaalamang hindi pa nararapat para sa kanila.

Subalit, saan nga ba dapat mag-research ang mga mag-aaral, sa library o sa internet café.

Sa paggamit ng internet ay mas napapabilis nito ang pananaliksik dahil isang click mo lamang ay maaari ka ng makakuha ng impormasyon na iyong kailangan. Sapagkat ito ay nakapagbibigay ng maraming impormasyon sa pamamagitan ng “websites” o pook-sapot kung tawagin sa Filipino.

Ngunit sa kabila ng positibong dulot ng paggamit ng internet ay kaakibat nito ang mga negatibong epekto sa mga kabataan sa kasalukuyan. Una, tinuturuan nito na maging tamad ang isang tao sa paghahanap ng impormasyon dahil sa nakatatamaran na nilang basahin o aralin ang mga nakakalap na impormasiyon gaya ng “pag-copy at “paste”. Pangalawa, maaaring mamulat ang mga kabataan sa mga kaalamang hindi pa nararapat sa kanilang edad tulad ng pagbukas sa mga “porn sites” at “ hentai sites”. Sa bawat pagkalap ng impormasiyon sa internet ay may mga lumalabas na advertisement ng mga larawan o video na hindi kaaya-ayang tingnan na maaaring tukso sa mga kabataan na tingnan o panoorin ito. At pangatlo, marahil gumagamit ang mga kabataan ngayon ng internet hindi lamang para maghanap ng impormasyon bagkus ay inuunang buksan ang kanilang facebook account, instagram, twitter o maging ang panonood sa youtube na puro pansariling kasiyahan na humahantong sa labis na pagsasayang ng oras. Tila nakakalimutan na ang kasabihang “ Time is Gold” sa buhay ng bawat indibidwal.
Sa pagkakataong ito, malaki ang ginagampanang papel ng mga magulang o sinumang nakakatanda sa paggamit ng internet ng mga bata. Maraming website ang maaaring aksidente lamang mapuntahan. Ang ilan ay kapaki-pakinabang, ang ilan ay maaaring makapagdulot ng hindi kaaya-ayang gawain dala ng malilikot na kaisipan. Dahil sa Internet Café, tila napag-iwanan na ng panahon ang Library at wala ng nagpapahalaga. Subalit lagi nating tatandaan na mas mapagkakatiwalaan, eksakto at totoo ang mga impormasiyong makukuha sa mga libro sa silid-aklatan o Library. Hindi muna kailangang magbayad para makakuha ng impormasyon. Ang kailangan mo na lamang ay sipag at tiyaga sa pagbabasa.

Maaaring napag-iwanan na nga ng panahon ang Silid-aklatan o Library, ngunit mananatili pa rin ang mga eksaktong kaalaman na hindi mabubura ng panahon.